| Contact Us

Attacker ng siklista, noon pang 2017 dismissed sa serbisyo

Reggie Vizmanos August 30, 2023 at 04:16 PM

Noon pang 2017 ay dinismiss na ng Philippine National Police sa serbisyo si Wilfredo Gonzales, ang ex-cop na nang-atake sa siklista sa Welcome Rotonda, Quezon City.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, base sa kanilang record ay dinismiss si Gonzales dahil sa grave misconduct.

Noon aniyang 2006 ay sinampahan ng kasong administratibo si Gonzales. Pero tumagal ang kaso, at inabot na ito ng PNP retirement age na 56 anyos noong 2016 kaya maayos pa siyang nakapagretiro at nakakuha ng benepisyo.

Noong 2017 lang umano naresolba ang kaso na ang naging desisyon ay ang pag-dismiss sa kanya sa serbisyo. Naghain pa umano ito ng motion for reconsideration at inabot naman ng 2018 bago nabasura ang mosyon.

Ibinunyag pa ni Fajardo na ilang beses ding na-demote si Gonzales hanggang sa lumagpak ito sa PO1 na siyang pinakamababang ranggo sa PNP.

Napatawan din umano siya ng 120-day suspension at 90-day suspension.

“Dapat nga itong dating pulis na ito ay hindi na pinayagan na makahawak ng baril… Mayroon po siyang nakaalitan sa kanilang lugar na magkakapatid, ganoon din po, naglabas din siya ng baril,” sabi ni Fajardo sa panayam ng ABS-CBN Teleradyo.

Sinabi ni Fajardo na nananatiling nakahanda ang PNP na tulungan ang siklistang biktima kung ito ay magsasampa ng kaso.

Nanawagan din siya sa sinumang may nalalamang impormasyon o insidente ng karahasan ni Gonzales sa ibang lugar o petsa na agad idulog ito sa PNP.

Base sa ilang lumutang na impormasyon ay dating nakatalaga si Gonzales sa QCPD Station 9 sa Anonas, QC.

Ni-revoke na ng PNP ang mga lisensya ng baril ni Gonzales at kinumpiska na rin ang lahat ng kanyang baril.

Perpetually disqualified na rin umano si Gonzales na magmay-ari at magdala ng baril.

Sinampahan na rin ng Quezon City Police District (QCPD) ng kasong alarm and scandal si Gonzales.

Sinabi naman ni DILG Secretary at National Police Commission (Napolcom) chairman Benjamin Abalos Jr., gayundin ni Department of Justice Sec. Jeus Crispin Remulla, na titiyakin nilang mananagot sa batas si Gonzales.

Screenshot: Mr. VI Vlogs

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 56 Last