Bagong lindol yumanig sa Cagwait, Surigao del Sur; Malalakas na aftershock nararanasan pa rin
Reggie Vizmanos December 4, 2023 at 06:06 PMNiyanig ng magnitude 6.8 na lindol ang karagatan ng Cagwait, Surigao del Sur ngayong Lunes ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology ((PHILVOLCS).
Sa ulat ng PHILVOLCS, naganap ang lindol dakong 3:49 am. Tectonic ang origin nito at may lalim na isang kilometro. Nakapagtala rin ang ang ahensya ng 1,583 aftershocks na may iba-ibang lakas gaya ng 6.6 mula nang lumindol sa lalawigan noong Sabado.
Nararanasan pa rin hanggang ngayon ang malalakas na pagyanig sa Surigao del Sur at iba pang bahagi ng Mindanao.
Umabot sa 529 pamilya ang apektado ng lindol na naganap sa Surigao del Sur nitong December 2 ng gabi ayon sa Office of Civil Defense (OCD). Patuloy pa rin ang pangangalap nila ng datos tungkol sa naging epekto ng lindol.
Sa mga inilabas na larawan ng lokal na pamahalaan ng Hinatuan makikita ang ilang bahay at istraktura na bumagsak matapos tumama ang lindol.
“The Hinatuan MDRRMC through the Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) Team is now conducting After Earthquake Damage Assessment to infrastructure, houses, government buildings, others. Mayor Shem G. Garay/MDRRMC Chairman ordered the fast-tracking of assessment of damage by the strong earthquake that jolted Hinatuan,” ayon sa LGU.
Magnitude 7.4 na lindol ang tumama sa Surigaor del Sur noong Disyembre 2, Sabado, 10:37 ng gabi. Ayon sa Philvolcs, may lalim itong 25 kilometro at ang sentro ay naitala sa hilagang silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Naramdaman din ang pagyanig, na may iba-ibang lakas, sa maraming bayan sa Mindanao at Visayas.
Sa inisyal na tala ng mga awtoridad, mayroong isang buntis na nasawi at apat ang nasugatan dahil sa pangyayari. Ang naturang babae at ang kaniyang asawa at anak ay nabagsakan ng 15-talampakang taas na konkretong pader sa kanilang komunidad sa Tagum, Davao del Norte.
Naglabas din ng tsunami warning ang Pacific Tsunami Warning Center para sa katimugang bahagi ng bansa, pati na rin sa ilang parte ng Indonesia, Palau at Malaysia, pero binawi na rin ito kalaunan.
Inirekomenda rin ng Phivolcs ang pag-evacuate ng mga naninirahan sa mga komunidad sa baybaying-dagat.
Photo: Local Government Unit of Hinatuan