Bam Aquino: Hindi na kailangang dumayo sa Maynila para maghanapbuhay
Arkipelago News March 10, 2025 at 07:50 PM
LUCENA CITY — Ipinaliwanag ni dating Senador at independent senatorial candidate Bam Aquino ang pangangailangang palakasin ang lokal na paglikha ng trabaho para hindi na mapilitang dumayo sa Maynila ang mga manggagawang Pilipino para maghanapbuhay.
Sa isang talumpati sa harap ng mga estudyante ng Dalubhasaan ng Lungsod ng Lucena (DLL), binigyang-diin ni Aquino na posibleng maisakatuparan ito kung magkakaroon ng mas mahigpit na ugnayan sa pagitan ng edukasyon at pagtatrabaho.
“Sa ibang mga bansa, dahil integrated yung pag-aaral at pag-i-empleyo, integrated, coordinated yung mga posible nagbibigay ng employment at iyong ating mga kurso, at may kalayaan ng mga eskwelahan, baguhin yung mga kurso, makikita natin mas madali iyong proseso ng pag-aaral patungo sa pagtatrabaho,” ani Aquino.

Ayon sa dating senador, ang ganitong sistema ay tutugon sa problema ng jobs mismatch na nagiging hadlang sa pagkakaroon ng siguradong trabaho sa lokalidad.
“Hindi na po kailangang lumabas ng Lucena para makapagtrabaho. Dito mismo, magiging malinaw iyong paraan natin kung paano makahanap ng siguradong trabaho dito po sa ating lugar,” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Aquino, kung maipatupad ang solusyon sa jobs mismatch, magkakaroon ng mas maraming regular na trabaho na may makataong sahod at akma sa pinag-aralan ng bawat manggagawa.
Sa kanyang kampanya para sa Senado, isa sa mga pangunahing isinusulong ni Aquino ang mas maayos na koneksyon sa pagitan ng edukasyon at industriya para mapalakas ang lokal na ekonomiya at bigyan ng mas maraming oportunidad ang mga Pilipino sa kanilang sariling bayan.
📷 Bam Aquino