Buy Nothing PH
Cristine Cabanizas May 15, 2021 at 10:36 AMHindi na lang mga Buy and Sell group ang mayroon sa Facebook ngayon. Mayroon na ring binuong grupo na ang tanging layunin ay magbigayan.
“Bawal po magbenta dito, bawal din bumili, ang pwede lang dito mamigay. Pamigay niyo na dito yung mga hindi niyo na kailangan at malay niyo next time, kayo naman ang makakuha ng mga maayos pang gamit. Give something useful, get something useful.”
Ito ang pahayag ni Xien Baza, ang taong nakaisip ng inisyatibong Buy Nothing PH.
Imbis daw kasi na itapon lang ang mga gamit na hindi na kailangan, bakit hindi na lang daw ito ibigay sa mga taong maaari pa itong mapakinabangan. Ito raw ang naging konsepto sa likod ng Buy Nothing PH.
“Meron akong nakita na isang facebook group sa ibang bansa na bawal bumili ng damit at ang pwede lang ay magbigay. Sabi ko sa sarili ko, Ay pwede ito sa mga kapwa ko Pilipino.
Malaking paraan ito para ang mga kagamitan na nakalaan ng maitapon, walang mapag-gamitan o nakatengga na lamang ay mapakinabangan pa ng mga taong higit na nangangailangan,” kuwento ni Xien sa Arkipelago News.
Si Xien ay isang professional tattoo artist at hindi na raw mawawala sa kanya ang pagtulong sa iba. Kalahati raw ng kinikita niya sa pagtatrabaho ay inilalaan niya para sa mga proyekto ng pagkakawanggawa.
“Helping others is my innate nature. It is part of the fabric of who I am. I think it has a lot to do with how I was raised. My Mama and Papa always volunteered their time to local causes, community services and feeding the homeless. I was brought up with this value at the forefront of living, and it has been a rewarding part of my life ever since kaya gusto kong ma-inspire ang ating mga kababayan na makita ang katotohanan na, ang mundo ay napakaganda kung paiiralin ang pagmamahal sa kapwa,” sabi ni Xien.
Hindi nag-iisa si Xien sa inisyatibong ito. Dahil sa grupong binuo niya marami ang nagkaroon ng paraan para maiabot ang tulong sa iba.
Isa na rito si Rose Cutillar mula sa Calamba, Laguna. Namigay siya ng diaper na nakatambak na lang daw sa kanila. Natira daw ito sa gamit ng pumanaw niyang ina.
Ipinaliwanag niya sa Arkipelago News ang kanyang naramdaman sa ginawang pagtulong gamit ang Buy Nothing PH.
“Masaya ako kasi kahit papaano di masasayang yung bagay na dapat magagamit ng nanay ko nung nabubuhay pa sya. Sa hirap ng buhay ngayon mahirap mag-aksaya ng gamit. Wala na kasi gagamit ng diaper. Sa nanay ko yun na namatay last april. Imbes na itapon pamigay ko na lang,” kuwenro ni Rose.
Dahil naman daw sa Buy Nothing PH mas naging madali ang paghingi ng tulong ni Kewol Oro. Sinabi niya sa Arkipelago News na nag-post daw siya sa Facebook group para manghingi ng mga damit ng sanggol na hindi na ginagamit.
Kapapanganak lang daw kasi ng kanyang kapatid at nawalan pa ng trabaho sa kasagsagan ng pandemya. Kaya hirap daw talaga sila sa panggastos at hindi na kayang bumili ng mga kailangan ng sangggol katulad ng damit.
“Sa mahal ng mga vitamins at iniinom na gamot at mga bayad sa check-up at nag-iipon para sa panganganak kaya pinili kong tulungan sya makahingi na lang ng mga newborn clothes sa Buy Nothing PH at madali rin naman malalakihan ng baby imbis na bumili pa sya.”
Masaya si Xien na nakikita niyang buhay na buhay pa rin ang diwa ng pagtutulungan sa Buy Nothing PH group. Nagpapasalamat siya sa mga taong hindi nagsasawang magbigay ng tulong sa abot ng kanilang makakaya.
“Helping one person might not change the world, but it could change the world for one person”.
Photo courtesy of Xien Baza