Community Pantry Rides sisimulan na
Cristine Cabanizas April 21, 2021 at 09:51 AMAarangkada na rin sa kalsada ang mga motorsiklong makikilahok sa “tulong mula sa masa para sa masa.”
Sa hindi mapigilang pagdami ng mga community pantry sa iba’t ibang sulok ng bansa, naisipan ng mga volunteer rider na bumuo ng tinatawag nilang Community Pantry Rides para maghatid ng tulong sa mga ito.
“Pump some pistons, pump some Hope,” ito ang isinulat ni James Hermogenes sa kanyang Facebook post.
Ayon kay James, magsasagawa siya kasama ang iba pang mga rider ng tinatawag na “snake ride” na ang layunin ay pagkonektahin ang lahat ng community pantry sa bansa.
Dagdag pa niya, nais ng Community Pantry Rides na mas palawakin pa ang inisyatibong inumpisahan ni Ana Patricia Non na pagbibigay ayon sa kakayahan at pagkuha batay sa pangangailangan.
Sa panayam ng Arkipelago News kay James, sinabi niya na ito raw ang nakikita nilang paraan para makatulong sa nangyayaring social movement sa abot ng kanilang kakayahan.
“We think of how we can contribute in our unique way, in our field of interest which is riding to help sustain the initiative of our state and to help other pantries to sustain and resupply and at the same time inspire others expand it further,” paliwanag ni James.
Bahagi rin daw ng kanilang pagtulong ay ang pag-iikot at pagkuha ng mga donasyon mula sa mga taong nais magbigay.
“We can pick up sa donations just inform us earlier so we can plot in our map, in our ride route and then we will distribute it. For example there are pantries that have oversupply, halimbawa sa Maginhawa Pantries ang dami nang nagbibigay diyan. Then we can help them redistribute. We can be the community pantries logistical system so we will help them in terms of logistics and redistributing at zero cost. Kasi gastos na namin ang gasolina at motorcycle, that’s our contribution basically,” ayon kay James.
Sinigurado rin ng grupo na magmumula ang mga gulay at pagkain sa mga mahihirap na magsasakat at maliliit na negosyo bilang suporta sa kanilang kabuhayan.
“Instead of buying canned goods & instant mami and making big corporations and supermarket richer, we will be buying vegetables like kamote, potato, sayote, etc. from poor farmers and street vendors to also support their livelihoods,” dagdag pa niya.
Hindi pa man nauumpisahan, inuulan na agad ito ng papuri mula sa mga netizen sa social media.
Isa sa natuwa sa inisyatibo ng mga rider si Sarita Tz, “Very kind gesture from our riders! Keep up the good work! Stay safe and God bless!”
Ayon naman kay Jose Mari Badilla, “Galeeeng! Sana dumami pa ang tulad nyo sir, Stay blessed!”
Sisimulan na ang Community Pantry Rides sa April 22. Uumpisahan ito sa mga community pantry sa Quezon City at isusunod ang iba pang pantry sa National Capital Region, Central, Southern at Northern Luzon.
Papasada daw sina James sa abot ng kanilang makakaya. Hinihikayat din niya ang iba pa na may motorsiklo o kahit bisikleta na gawin din ito sa kanilang lugar.
Photos by James Hermogenes