Congressman Teves, utak diumano sa pagpaslang kay Gov. Degamo
Mike Manalaysay March 10, 2023 at 02:59 AM
Itinuro ng isa sa naarestong suspek si Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves bilang utak sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo. Isiniwalat niya ito sa ibinigay niyang pahayag sa media nitong March 9. Nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Maynila ang mga naarestong suspek.

Kinumpirma naman ng Special Investigation Task Group Degamo na ang pahayag ng isa sa mga suspek tungkol sa mastermind sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo ay kasama raw sa mga impormasyong nakuha nila mula sa mga suspek na kanilang naaresto.
“The declarations made publicly earlier by one of the suspects in Gov. Degamo’s killing were information that we already acquired from the moment we arrested the four suspects six hours from the incident. While we had these significant developments at hand at the early stage of the conduct of massive hot pursuit operations, we maintained that these be revealed in due time not to compromise the conduct of investigations,” anila.
Ayon pa sa inilabas na pahayag ng Police Regional Office 7 nitong March 9, nang makumpleto na raw nila ang mga kinakailangang dokumento, ibinigay na raw nila sa Department of Justice ang mga suspek, mga ebidensya at ang “extra-judicial confessions” na legal daw nilang nakuha mula sa mga suspek.
“When we forwarded the case for inquest, we already have the complete picture of what transpired before, during and after the incident, including the identities of the suspects, to include the alleged mastermind. These have been the result of all the relentless operations conducted by our personnel on the ground immediately after the attack occurred,” ayon sa kanila.
Ipinaliwanag din ng pulisya na nasa kontrol ng DOJ ang prosecution ng kaso makaraang magpakita ng kahandaan ang dalawa sa mga suspek na humarap sa korte bilang mga state witness. Umaasa rin daw sila na dahil sa hawak nilang ebidensya, uusigin sa hukuman ang lahat ng taong may kinalaman sa krimen at mabibigyan ng hustisya ang pamilya ng mga biktima.
Nauna nang itinanggi ni Congressman Arnie Teves na may kinalaman siya at ang kanyang kapatid na si Henry sa pag-atake sa compound ni Governor Degamo na kanyang ikinasawi. Si Henry ang nakalaban ni Degamo bilang gobernador sa halalan noong Mayo 2022. Idineklarang nanalo sa eleksyong ito si Henry pero pinababa siya sa pwesto makalipas ang ilang buwan at ipinalit sa kanya si Degamo. Ayon sa desisyon ng COMELEC na pinagtibay ng Korte Suprema, si Degamo ang tunay na nanalo bilang gobernador matapos na ibigay sa kanya ang natamong boto ng isang nuisance candidate.

Sa pahayag ni Congressman Teves noong March 6, iginiit niya na wala raw silang mapapala kung mawawala si Degamo.
“Kung may balak man ako o may kakayahan na gawin ito, di sana ginawa ko na ito bago pa mag-eleksyon. Anong motibo kung ngayon gagawin, di ba? Hindi rin magiging benepisyaryo ako at ang kapatid ko. Dahil kung mawala ang gobernador, ang uupo naman ang vice governor, hindi naman ang kapatid ko na talagang nanalo nung eleksyon, pero hindi ko alam anong magic na nangyari na pinababa sa pwesto ang aking kapatid,” paliwanag ni Teves.
Sinabi rin ni Teves na kasalukuyan siyang nasa labas ng bansa para sa kanyang stem cell treatment. Nakasaad naman sa dokumento mula sa tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez na binigyan si Teves ng travel clearance para sa kanyang personal trip sa US mula February 28 hanggang March 9, 2023.
Samantala, nanawagan naman si Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Congressman Arnie Teves, na maging mahinahon sa pagbibigay ng pahayag laban kay Teves.
“We call on all concerned to observe sobriety in their pronouncements regarding the allegations against Rep. Arni Teves in the face of certain accusations against him in connection with the killing of Governor Roel Degamo and several other persons,” ayon sa pahayag ni Topacio.
“The killing has already been denounced strongly by Rep. Teves, who has denied involvement therein. It will not serve the ends of justice and by publicly obfuscating the issues prematurely before a thorough investigation in accordance with procedures provided for by law… We shall face any and all accusations consistent with the courses outlined in the legal system, confident that, in the end, our client will be exonerated,” dagdag pa niya.
Photo: Gov. Roel Degamo FB at Congressman Arnie Teves FB