Dave Almarinez at Ara Mina, ikinasal na
Arkipelago News July 1, 2021 at 12:25 PM EntertainmentNagpakasal na sina Dave Almarinez at Ara Mina kahapon, June 30. Ginanap ang seremonya ng pag-iisang dibdib sa Alphaland Baguio Mountain Lodges. Dinaluhan ito ng kanilang pamilya at malalapit na kaibigan.
Matatandaan na kinumpirma ni Ara Mina noong Enero ang engagement niya kay Dave Almarinez. Nakatakda sana silang ikasal noong Abril pero hindi ito natuloy dahil sa paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa na naging dahilan para maging mas mahigpit ang ipinapatupad na community quarantine sa NCR plus na kinabibilangan ng Laguna.
Si Dave Almarinez, na naninirahan sa San Pedro, Laguna, ang kasalukuyang President at CEO ng Philippine International Trading Corporation (PTIC). Dati rin siyang Provincial Board Member ng Laguna.
Ipinagmalaki ni Ara Mina ang kanyang paghanga kay Dave Almarinez sa ilang Instagram post.
“Hindi ako magsasawang ipagmalaki ang kabutihan ng puso mo. Maraming magpapatunay nyan.”
“Kahit kailan wala akong nakitang kayabangan sa yo, punong puno ng magagandang intensyon ang lagi ko naririnig tuwing nagkukuwento ka at may mga plano ka lalo para sa ibang tao, at dun kita lalong hinangaan,” pahayag ni Ara Mina.
Palagi raw niyang susuportahan at aalagaan si Dave katulad ng pag-aalaga nito sa kanya.
“Naniniwala ako na may dahilan ang Diyos sa pagsasama natin. Dave, sabay natin gagawin ang mga misyon natin na maging instrument ng love ni God. Kaya kahit anong pagsubok ang dumating alam kong God’s plan will always win.”
A DESTINY designed by God can never be changed by a man,” ayon pa sa post ni Ara Mina.
Tinawag ding destiny ni Almarinez ang pag-iisang dibdib nila ng aktres na isa sa gumaganap sa Ang Probinsyano ng ABS-CBN. Nagpahayag din siya ng kanyang pagmamahal kay Ara Mina sa ilang Instagram post.
“There are only two times that I want to be with you, NOW and FOREVER.”
“We will always find each other because we are destined together,” ayon pa kay Almarinez.
Photo courtesy of Nice Print Photography