Deped, LGUs hinimok na suportahan ang sports sa bansa
Reggie Vizmanos August 1, 2023 at 07:51 PM
Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa Department of Education (Deped) at mga local government units (LGUs) na suportahan ang sports o palakasan sa bansa.
Mahalaga ang sports sa paghubog ng lakas, talento, karakter at disiplina ng atletang Pinoy, ayon sa pangulo sa pangunguna nito sa opening ceremony ng 2023 Palarong Pambansa sa lungsod ng Marikina nitong Hulyo 31.

Tiniyak niya ang tuloy-tuloy na suporta ng pambansang pamahalaan sa sports at sa mga atletang Pilipino.
“I urge the Department of Education to keep harnessing the talents and sportsmanship of our student-athletes….” sabi ng pangulo, kasabay din ng hamon niya sa mga LGUs na pag-ibayuhin ang paglahok ng mga paaralan sa mga
sports competitions at ang paghikayat sa mga estudyante sa physical activities.
Binigyang-diin niya na ang mga atletang Pinoy ay nagbibigay ng mataas na karangalan sa bansa.
Isasagawa ang ika-63 na Palarong Pambansa mula Hulyo 29 hanggang Agosto 5. May tema itong “Batang Malakas, Bansang Matatag.” Kabilang sa mga maglalaro ang mga student-athletes na mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Photo: Presidential Communications Office