Deputy Speaker Eddie Villanueva, kinondena ang pahayag ng Chinese Foreign Ministry spokesperson
Ace Cruz July 17, 2021 at 10:11 AMKinondena ni CIBAC Partylist Representative at Deputy Speaker Brother Eddie Villanueva ang pahayag ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Zhao Lijian na “waste of paper” lang ang arbitral ruling o desisyon sa West Philippine Sea na pumapabor sa ating bansa.
Ayon kay Villanueva, ang naturang pahayag ni Zhao ay malinaw na pambabastos sa karapatan ng Pilipinas sa teritoryo.
Dagdag pa ni Deputy Speaker Villanueva, ang mga bansang hindi marunong rumespeto sa kapwa ay walang karapatang makisangkot sa isang ‘friendly bilateral ties’.
Nauna rito, sa isang press briefing sa Beijing, sinabi ni Zhao na maituturing daw na “null at void” o walang bisa ang arbitral ruling dahil hindi kinikilala ng China ang naturang desisyon.
Kasunod nito, sinabi ni Deputy Speaker Villanueva na maghahain siya ng isang resolusyon para manawagan ng suporta sa kapwa mambabatas at kondenahin ang naging pahayag ng Chinese official.