Doktor sa viral post ipinaliwanag kung bakit niya ito ginawa
Arkipelago News April 7, 2021 at 01:22 PM
Ano nga ba ang nagtulak kay Dr. Jamie Ysabel Amposta na ipost ang nakunan niyang litrato ng isang kotse na ginawang COVID-19 ward?
Ipinaliwanag ni Dr. Amposta sa Arkipelago News ang kanyang nararamdaman ng mga oras na iyon.
“I was feeling frustrated po kasi na wala nang matakbuhan ang maraming patient. And this one had to be in this situation which is something na I never tried or seen.”
Mabilis na kumalat sa social media ang litrato ng isang pulang kotse na may katabing oxygen tank at stand na may nakasabit na IV fluid. Nasa loob ng sasakyan ang 66 years old na pasyente.
Bilang isang doktor, naiintindihan daw ni Dr. Amposta kung saan nagmumula at kung ano ang posibleng solusyon sa mga problemang kinakaharap natin ngayong pandemya.
“I hope po na sana magtayo ang government ng facilities kasi marami naman sanang budget,” ayon sa doktora.
Kailangan din umanong maglaan ng pondo at mag-hire ang gobyerno ng karagdagang healthcare worker tulad ng doktor, nurse at mga consultant.
“If only the government will be willing to compensate HCW (healthcare workers), well hindi 500 per day na sobrang nakaka-offend sa profession. Marami po (ang) mag-aapply, maraming tatao sa facilities nila. Hindi naman po kasi enough na maging patriotic lang kasi buhay naman po nakataya.”
Sinabi pa ng doktor na sagutin sana ng gobyerno ang swab testing at pagpapagamot sa mga healthcare worker kung sakaling magpositibo sila sa COVID-19.
Para kay Dr. Amposta, importante pa rin na magsagawa ng mass testing, at sana rin daw ay magsimula na ang mas malawakang pagbabakuna dahil ito lang ang makapipigil sa coronavirus.