Duterte kumpirmadong tatakbo bilang bise presidente sa 2022
Andres Bonifacio Jr. August 25, 2021 at 01:58 PMHindi tulad ng kaniyang pahayag noong September 7, 2015 na hindi siya tatakbo sa pagka-pangulo sa 2016 elections, tila palaban ngayon at kinumpirma kaagad ni Presidente Rodrigo Duterte na tatakbo siya bilang bise presidente ng bansa sa 2022.
“Gusto talaga ninyo? Oh, sige, tatakbo ako ng bise presidente. Then I will continue the crusade. I’m worried about the drugs, insurgency, and criminality.” pahayag ni Duterte sa kaniyang programang Talk to the People noong Martes ng gabi.
Kasabay ng pagtanggap sa endorsement sa kaniya ng PDP-Laban, batid ni Duterte ang magiging limitasyon ng kaniyang kapangyarihan kung papalarin siyang manalo sa pagkabise presidente sa 2022.
“I may not have the power to give the direction or guidance but I can always express my views in public for whatever it may be worth in the coming days. Nasa Pilipino na ‘yan”. dagdag pa ni Duterte
Matatandaan na Martes pa lang ng hapon ay kinumpirma na ni Cabinet Secretary at executive vice president ng PDP-Laban Karlo Nograles ang pagtakbo ni Duterte sa 2022 matapos ang ginawang pagpupulong ng ruling party noong Lunes ng gabi.
Ayon pa kay Nograles, isang sakripisyo para kay Duterte ang pagtanggap sa endorsement ng partido matapos iprinisenta sa pangulo ang marubdob na panawagan ng mga lokal na opisyal mula regional hanggang barangay na ipagpatuloy nito ang mga nasimulan ng administrasyon para magtuloy-tuloy ang pagbabago sa bansa.
Kabilang sa mga tinukoy ay ang kampanya laban sa terorismo, insureksiyon, korapsiyon, kahirapan, giyera laban sa droga at ang mga malalaking proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program ng administrasyon.
Nauna ng sinabi ni Duterte ang kaniyang pagtakbo bilang vice president kung magpapatuloy ang kaniyang mga kritiko sa pagsampa ng mga kasong kriminal laban sa kaniya sa oras na matapos ang kaniyang termino sa June 30, 2022.
Matatandaan na nagbabala noon ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio at dating senador Antonio Trillanes IV na maaaring maharap sa patung-patong na kaso si Duterte dahil sa drug war killings at sa isyu ng West Philippine Sea.
Ginawa ng PDP-Laban ang pag-endorso kay Duterte bilang vice presidential bet sa 2022 dahil ipinagbabawal ng ating Saligang Batas na muling tumakbo sa pagka-pangulo ang kasalukuyang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Sek 4, Artikulo VII
“Ang Pangulo ay hindi magiging karapat-dapat sa ano mang muling paghahalal. Ang sino mang tao na humalili bilang Pangulo at naglingkod nang gayon sa loob ng mahigit na apat na taon ay hindi dapat maging kwalipikado sa paghahalal sa katularing katungkulan sa alin mang panahon.”
Ang opisyal na pagtanggap ni Duterte sa kaniyang nominasyon ay gaganapin kasabay sa national convention ng partido sa September 8, 2021 sa San Jose Del Monte Convention Center sa Bulacan.
Bagama’t wala pang malinaw kung sino ang magiging ka-tandem ni Duterte, ayon sa partido, inaasahan na rin nila ang pagtanggap naman ni Senator Bong Go sa kaniyang endorsement sa pagka-pangulo.
Matatandaan na sinabi noon ng senador na tatanggapin lamang niya ang nominasyon ng partido kung papayag si Duterte na maging running mate ni Go sa 2022 national elections.
Photo courtesy of PCOO