Environment activists Jhed at Jonila hawak ng AFP
Reggie Vizmanos September 16, 2023 at 11:00 PMIlang araw na diumanong hawak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dalawang environment activist na napaulat na nawawala mula pa noong Setyembre 2, 2023.
Sa isang news forum sa Quezon City, sinabi ni AFP spokesman Col. Medel Aguilar na kusang lumapit sa mga otoridad sina Jhed Tamano, 22 anyos, at Jonila Castro, 21 anyos. Taliwas ito sa akusasyon ng ilang grupo na dinukot diumano sila.
“There was no abduction. Humingi lang sila ng tulong sa mga kilala nila. Una, para itago sila doon sa mga kasamahan nila na gusto sila ibalik,” ani Aguilar.
“Gusto na nilang umalis sa kilusan dahil nahihirapan na sila at meron ding grupo na ayaw sa kanila They want peace, they want security… I heard that they contacted somebody to keep them safe… mula doon sa mga dati nilang kasamahan na gusto silang puwersahing bumalik sa kilusan,” dagdag pa niya.
Una rito ay sinabi naman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na sina Tamano at Castro ay kusang-loob na dumulog sa mga otoridad sa Doña Remedios Trinidad, Bulacan noong Setyembre 12.
Tiniyak pa ni National Security Council (NSC) Assistant Director-General Jonathan Malaya na ang dalawa ay nasa mabuting sitwasyon at kalusugan.
Matatandaang sinabi ng ilang grupo, partikular ng Anakbayan, na dinukot ang dalawa habang nag-oorganisa ng mga mangingisda sa Bataan.
Iginiit pa ni Anakbayan national spokesperson Kate Almenzo na ang Philippine National Police (PNP), AFP at NTF-ELCAC ang nasa likod ng pagdukot.
Sa isang joint statement, sinabi ng mga grupong AKAP Ka Manila Bay, Kalikasan People’s Network for the Environment, Promotion for Church Peoples’ Response at KARAPATAN, na ang pahayag ng AFP ay nagpatibay sa noon pa nila sinasabi na ang militar at iba pang grupo ng pamahalaan ang responsable sa pagkawala nina Tamano at Castro.
Kinuwestyon din nila ang umano’y ‘inconsistencies’ sa kuwento ng mga otoridad tungkol sa dalawa.
Anila, “The government’s version of events begs so many questions, foremost of which is, why would Jonila and Jhed bother to ask [a woman named] ‘Ate’s help and surrender in such a roundabout way, when a soldier by the name of Justin Gutierrez had already been frequenting Jonila’s family home in Plaridel, Bulacan since 2022 to ‘convince’ the activist to ‘clear her name’ and had even left his number with Jonila’s mother just in case Jonila decides to surrender.”
“The two activists could have also approached Jhed’s stepfather, who, as a former soldier, presumably has connections to the military,” ayon pa sa pahayag.
(Ang bersyon ng kuwento ng gobyerno ay nagbubunsod ng maraming katanungan, pangunahin dito ay bakit pa magpapakahirap sina Jonila at Jhed na magpatulong sa sinasabing Ate para sa kanilang pagsuko gayung ang sundalong si Justin Gutierrez ay noon pang 2022 panay ang balik sa bahay nina Jonila sa Plaridel, Bulacan upang kumbinsihin siyang linisin ang kaniyang pangalan. Iniwan pa umano mismo ng sundalo ang phone number niya sa nanay ni Jonila. Bukod dito, pwede rin sanang lumapit ang dalawa sa stepfather ni Jhed na dating sundalo at tiyak na mayroon pang koneksyon sa militar.)
Sa photo grab mula sa CCTV footage na nagpapakita kina Jonila at Jhed na naglalakad sa kalye sa oras na sinasabing bigla silang nawala ay hindi rin nakita ang umano’y “Ate” na tumulong sa kanila sa pagsuko, at hindi rin ipinakita ang sinasabing normal na pagpasok ng mga ito sa sasakyan ng NTF-ELCAC at PNP.
Maigsing video clips lang din umano ng dalawa ang iprinisinta ng militar at walang aktuwal na kopya ng sinasabi nilang affidavits na pwede sanang masuri ng media.
Kwestyunable rin anila na hindi iprinisinta ng AFP ang dalawang aktibista upang matanong at ma-interview sana ng media.
Sinabi pa ng mga grupo na kaduda-duda rin ang pahayag ng militar na boluntaryong ginawa ng dalawa ang affidavits dahil malabong maging boluntaryo ito habang ang dalawa ay nasa kustodya ng mga sundalo.
Photo: Release Jonila and Jhed Network FB