Extended ang enhanced community quarantine
Arkipelago News April 3, 2021 at 06:41 PMInanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na extended ng isang linggo o hanggang April 11 ang itatagal ng enhanced community quarantine sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal.
Naitala sa dalawang magkasunod na araw ang pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa bansa. Ayon sa Department of Health, noong April 2 at 3, nakapagtala ng 15,310 at 12,576 na mga bagong kaso ng coronavirus. Tumaas sa bilang na 784,043 ang mga kumpirmadong kaso. 165,715 dito ay itinuturing na aktibo. Karamihan sa mga bagong kaso ay nagmula sa NCR.
Umabot naman sa 13,423 ang bilang ng mga namatay sa coronavirus.
Sa ilalim ng ECQ, ipinagbabawal ang pagtitipon ng mahigit sa sampung tao, pagkain sa mga restawran at non-essential movement. Ipapatupad pa rin ang curfew mula 6 pm hanggang 5 am.
Sinabi rin ni Secretary Roque na magdadagdag ng kama ang gobyerno para sa mga moderate to severe na kaso ng coronavirus. Bunsod ito ng pagsisiwalat ng pamilya ng mga kritikal na pasyente na nahirapan silang makakuha ng tatanggap sa kanilang ospital dahil puno na ang mga ito. May mga naitalang kaso na namatay ang mga pasyente sa mga tent o bago pa man makapasok sa mga emergency room.
Ayon sa government data, nasa critical level na ang bed capacity ng mga intensive care ng mga ospital at isolation facility.