Facial sketch ng suspek sa pagpaslang sa broadcaster na si Jumalon inilabas ng pulisya
Reggie Vizmanos November 7, 2023 at 11:59 AM![](https://arkipelagonews.com/wp-content/uploads/2024/02/image-99.png)
Naglabas na ang Philippine National Police (PNP) ng computerized facial composite sketch ng isa sa mga suspek sa pagpaslang sa radio broadcaster na si Juan Jumalon o mas kilala sa tawag na DJ Johnny Walker ng Calamba, Misamis Occidental.
Sa ginanap na press briefing sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, sinabi ng PNP na ang naturang suspek ay nagsilbing lookout habang ang kasama niya ay pinuntahan at binaril si Jumalon na noong mga sandaling iyon ay nasa radio booth sa loob ng kanyang bahay at kasalukuyang naka-live broadcast ng kaniyang programa sa 94.7 Gold Mega Calamba FM.
![](https://arkipelagonews.com/wp-content/uploads/2024/02/image-100-1024x768.png)
Nilinaw ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda na hindi pa pinal ang impormasyon na dalawa ang suspek sa krimen dahil patuloy pa ang imbestigasyon at ang pag-consolidate nila ng mga impormasyon at ebidensiya. Nagbuo na rin ang PNP ng Special Investigation Task Group (SITG) para sa Jumalon case.
Ayon naman kay Misamis Occidental PNP Acting Provincial Director PCol. Dwight Monato, “We’re not discounting the possibility that the motive would be related sa kaniyang pagiging broadcaster. But we’re also looking into the angle of personal motive.”
Aniya, isa sa nakikita nilang motibo ng mga salarin ay posibleng personal dahil nagkaroon umano ng kaalitang ilang indibidwal ang pamilya ng biktima na umabot pa sa Korte.
Sinabi pa ni Monato na nakapasok ang mga suspek sa compound ng biktima nang nagpanggap sila na magpapa-anunsyo ng nawawalang wallet o susi.
Patuloy namang nananawagan ng hustisya ang asawa ni Jumalon na si Cherebel Jumalon.
Aniya, “I seek justice for the death of my husband Johnny Walker, pero pinapaubaya ko na sa Panginoon at sa mga otoridad. Nagpapasalamat din po ako kay President Marcos sa kanyang tulong para mapabilis ang paglutas ng kaso.”
Base sa Committee to Protect Journalists (CPJ) 2023 Impunity Index, ang Pilipinas ay pangwalo sa mga bansang pinakamaraming pinapatay na mamamahayag at ang mga salarin ay hindi nahuhuli at napaparusahan.
Photo: Misamis Occidental Police Provincial Office, Presidential Task Force on Media Security