Flight attendant mula sa Meycauayan, pasok sa Miss World Philippines 2021
Jessa Fajardo June 21, 2021 at 06:21 AM EntertainmentHilo na raw sa pagod at gutom si Ria Peña habang hinihintay ang resulta ng mga nakapasok na kandidata sa Miss World Philippines 2021. Halos buong araw na raw kasi siyang nandoon sa screening. Wala pa raw siyang maayos na kain at walang pahinga. Lagpas tatlong daan daw kasi silang naglakas loob na sumubok makapasok sa kompetisyon. Naging mahigpit daw ang labanan dahil magaganda at magagaling daw lahat nang nakasama niyang nag-audition.
Kaya naman laking tuwa raw ni Ria, na tubong Meycauayan, Bulacan, nang malaman niyang isa siya sa 45 na Pilipinang pinalad na makapasok sa kompetisyon. Napawi raw ang lahat ng kanyang hirap at pagod.
“I was actually surprised that I got in. I know I did my best in the screening. But looking at the other girls and seeing how beautiful they are kind of gave me another thinking. But I knew that God wants me to do this. To fight for my dreams,” paliwanag niya.
Inamin ni Ria sa Arkipelago News na kinabahan daw siya at nangangapa noong araw na iyon. Hindi naman daw niya first time sumali sa isang beauty contest. Pero ilang taon na raw kasi mula nang tumigil siya sa pagsali para ituon ang atensyon sa kanyang trabaho.
“I was feeling so much doubt in myself. I’ve almost had 3 years hiatus from pageantry so I feel like it’s a new thing to me again,” kuwento ni Ria.
Halos apat na taon ng flight attendant si Ria. Una siyang nagtrabaho sa Philippine Airlines Express at kalaunan ay lumipat sa Air Arabia. Dahil sa international flight siya naka-assign, inamin ni Ria na kailangan niyang magpokus dito kung gusto niyang tumaas ang lipad niya sa napiling career.
Pero tila nakatadhana raw talaga sa kanya ang pagsali sa mga beauty pageant. Dumating daw ang oportunidad sa hindi niya inaasahang pagkakataon. Kaya naman nanghinayang siyang hindi ito tanggapin.
“Eventually, a pageant came. And I decided to take a leave from work for that certain pageant. It was hard actually. But you know, if it’s really what you want, you can make a way to make it happen. It’s always about knowing your priorities and managing your time well,” aniya.
Anim na taong gulang pa lang daw si Ria nang magsimula siyang sumali sa mga beauty contest. Kaya naman bata pa lang daw siya nang matutunan niyang mahalin ang industriya. At malaking inspirasyon daw niya ang kanyang ina para pag-igihan ang pagsali rito.
“My mom was the first one who believed in me. It was actually her dream to be a beauty queen. But it didn’t happen. And it eventually became mine. Since then, pageants have become part of my life,” ibinahagi ni Ria.
Kabilang sa kanyang mga sinalihan ang Miss Tourism Philippines 2015, Miss Eat Bulaga University Letran 2016, at Miss Manila 2018.
Para kay Ria, malaking factor daw ang pagiging Bulakenya niya sa pagkamit niya sa kanyang mga pangarap.
“I know for a fact that Bulacan is home to many of our national heroes and that says a lot about our strong determination in pursuing success as an individual and in leading our people,” paliwanag niya.
Kaya naman gagawin niya raw ang lahat para maiuwi ang titulo ng Miss World Philippines 2021. Buong puso niya raw itong ipaglalaban dahil ito ang gusto niya sa buhay — ang magsilbing inspirasyon sa iba at makapaglingkod sa kapwa.
“I know that Miss Word upholds the value of a beauty with a purpose. And this gives me a deeper reason why I want to join and win. Not only to make my dreams come true, but to seek my purpose in life and to be of greater service to others in need,” aniya.
Maraming Bulakenya na ang nakapasok sa iba’t ibang prestihiyosong beauty pageant at nakapag-uwi ng korona. Kabilang sa kanila sina Gemma Cruz-Araneta (Baliwag) na nanalo bilang Miss International 1964, Maricar Balagtas (Plaridel) na nasungkit ang titulong Miss Globe International 2001, at Rachel Soriano (Meycauayan) na kinoronahan bilang Bb. Pilipinas-World 1998.
Gaganapin ang grand coronation night ng Miss World Philippines sa July 25, 2021.
Photo and video courtesy of Ria Angelique Siozon