Hontiveros dismayado sa desisyon sa bail petition ni De Lima. Korte inatasang resolbahin ang kaso sa loob ng siyam na buwan
Mike Manalaysay June 8, 2023 at 08:47 PMBinatikos ni Senador Risa Hontiveros ang pagtanggi ng korte sa petisyon ni dating Senador Leila De Lima na makapagpiyansa. Sa isang pahayag, pinuna rin ni Hontiveros ang iba pang drug case sa bansa na mabilis na nalutas.
“Nakakadismaya ang patuloy na pagkakulong ni Leila De Lima. Karapatan niya ang isang mabilis na paglilitis, gaya ng nakasaad sa ating Konstitusyon.”
“Hindi ko maiwasang isipin ang iba pang kaso diyan na kaagad nalutas, samantalang si Leila, na naglahad ng mga pang-aabuso ng drug war sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, ay anim na taon nang nakapiit,” ayon kay Hontiveros.
Tinawag din niyang “kabulastugan” ang kaso at ipinahayag ang kanyang pagtataka kung bakit binibigyan pa rin ng bigat ang aniya’y pekeng testimonya ng mga drug lord.
“Nananawagan ako ng agaran at malinaw na resolusyon tungkol dito. Itigil na ang kabulastugang ito. Tigilan na ang pagpapahirap kay Leila.”
“Nakakabahala na yung mga pekeng testimonya mula sa mga drug lord ay nangingibabaw at pinakikinggan pa rin. Marami sa kanila, binawi na ang kanilang mga huwad na paratang laban kay Leila. Kaya mapapatanong ka na lang: Bakit naiipit pa rin siya sa kasong ito sa kabila ng kasinungalingan ng mga sinasabi nilang mga star witness?” Ayon sa senadora.
Nanawagan din si Hontiveros na tigilan na ang panggigipit kay de Lima at siguruhing mananaig ang katarungan para sa lahat.
“Muli, gaya sa nakaraang anim na taon, pareho ang aking panawagan: Tigilan na ang kawalang-puso at walang kamatayang pagkakait ng katarungan kay Leila.””
“At sa aking mga kababayan, magtulungan tayong tiyakin na ang katarungan ay hindi lamang para sa kanilang mga makapangyarihan at mayaman. Sama-sama nating patunayan na sa Pilipinas, ang katarungan ay para sa lahat, at hindi gawa-gawa lamang,” pagwawakas niya.
Samantala, inatasan ng tanggapan ng Court Administrator ang Muntinlupa court na may hawak sa kaso ni de Lima na desisyunan ang kaso sa loob ng siyam na buwan.
Sa isang pahinang order na may petsang May 18, inatasan si Regional Trial Court Branch 256 Presiding Judge Romeo Buenaventura na bigyan ng prayoridad ang kaso ni de Lima dahil sa tagal na nililitis ito sa loob ng anim na taon. Ipinag-utos din sa Prosekusyon na kumpletuhin at tapusin na ang presentasyon ng ebidensya sa June 5, 19 at 26, 2023.
Sa inilabas namang pahayag ni De Lima nitong Huwebes, tinawag niyang “most unfortunate” ang naging desisyon sa kanyang bail petition. Kinumpirma rin niya na mag-aapela sila.
“The court’s denial of my bail application is most unfortunate. My lawyers will be filing an MR to raise the issue on the credibility of the inmate witnesses and their testimonies anew, with the hope that the judge is not yet closed to the perspective that their word, uncorroborated as they are by more acceptable evidence, is utterly unreliable and therefore completely not credible and unworthy of belief. Theirs are blatant lies and ludicrous stories.”
“I am of course disappointed. But with a clean conscience, I cannot and will not lose Hope. I have to remain strong as I’m determined to attain justice and vindication,” paglilinaw pa niya.
Kilalang kritiko ng madugong drug war ni dating pangulong Rodrigo Duterte si De Lima. Inaakusahan siya ng pakikipagsabwatan sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison noong siya ay justice secretary at nakulong noong Pebrero 2017, sa panahon ni Duterte. Pinaninindigan naman ni De Lima na gawa-gawa lamang at politically motivated ang kanyang mga kaso. Sa tatlong kasong isinampa laban sa dating senador, pinawalang sala siya sa dalawa noong 2021 at 2023.
Photo: Sen. Risa Hontiveros FB, Leila de Lima FB