Ito ang totoong Mike Enriquez na hindi alam ng mga tao
Jayson Bernard Santos August 30, 2023 at 09:59 PMIto ang totoong Mike Enriquez na hindi alam ng mga tao. At least, sa pagkakakilala ko sa kaniya.
Laking TV Patrol ako noon sa bahay, kaya hindi ako nakakanood ng Saksi. Para kasing hindi seryoso magbalita si Mike Enriquez. Parang naka-smile kahit na tungkol sa bagyo o bomba ang balita. Sa Imbestigador naman, iba ang persona niya. Parang galit naman parati, kaya parang nakakatakot magsumbong. ‘Tapos noong hindi pa uso ang mga meme, ginagawa naman siya ng mga satire post sa mga blog. Ini-impersonate din siya sa TV shows. Paano mo naman siseryosohin itong taong ito, kako.
2007 ko siya unang nakilala personally. Well, masungit. Iyon naman ang first impression ko sa kaniya dati pa. Hindi ko naman akalain na magtatagal ako sa Imbestigador. At iyon na pala ang magbabago ng impression ko sa kaniya.
Well, sort of. Masungit pa rin naman si Booma. Booma na tawag ko sa kaniya, kasi iyon na ang tawag ng mga nakakakilala at nakakatrabaho siya. Pero may “wow” moment noong tinawag niya ako sa pangalan ko. Naks. Close na.
Hindi pa. Nasa honeymoon stage pa lang kami. Habang tumatagal, napapasama na ako sa mga nangangantiyaw para magpa-pizza kapag mataas ang rating. Hanggang sa napasama na ako sa mga buffet kapag birthday niya.
Generous si Booma. Iyan iyong gusto kong ipakilala na Mike Enriquez sa mga tao. Iyong ilang case study ko noon sa Imbestigador, lalo na kung alam niyang nagsusumikap talaga sa buhay, inaabutan niya ng tulong. Hindi iyon kinukunan sa camera. May pagkakataon na sa akin din pinapadaan ng mga staff iyong paghingi ng tulong sa kaniya – pang-ospital, solicit para sa namatay na mahal sa buhay, pangbili ng gamot, pati nga per diem o allowance kapag naga-abroad. Ilang endorsement letters na rin ang pinirmahan niya para sa PCSO. At noong naoperahan ako, surpresa siyang nagbigay ng tulong. Hindi ko hiningi pero nagbigay.
May espesyal na bahagi sa puso niya iyong mga kabataan sa Babuyan Islands. Pinakita niya sa akin noon iyong mga naipon na pudpod na lapis na ginagamit ng mga estudyante doon kaya pinitch niya iyong istorya. Kahit pagkatapos maipalabas iyong istorya namin na iyon sa TV, nagpatuloy si Booma na tulungan iyong mga bata.
Noong medyo tumatagal na ako sa Imbestigador, nahuli ko na ang kiliti niya. Para huwag uminit ang ulo sa shoot, lagi akong may suhol na Coke Light at pistachio. Kailangan malamig iyon kaya bumili pa ako ng maliit na cooler. Minsan effective, minsan hindi. Basta ang rule kay Booma, kapag sinabing 15 minutes lang ang shoot, 15 minutes en punto tapos ka na. Kapag nangyayari iyon, ipinapamukha ko sa kaniya, “O, sakto! Sabi sa iyo.” Kaya nakakaulit ako sa kaniya kapag may request na isama ko siya sa shoot.
Napapanood ko lang dati si Mike Enriquez, pero nakakakuwentuhan ko na siya. Maaalala ko si Booma sa mga naging “small talk” namin. Kinuwento niya sa akin noon, kung paano siya as student sa La Salle at paano siya naging DJ as Baby Michael. Typical student na nagka-cutting classes, may sariling barkada, tumitikim tikim ng alak at yosi.
Minsan napapagkatuwaan ko rin siya kasi nagsisingit ako ng mga “punchline” sa script ng Imbestigador. Sumasama pa ako minsan sa pag-voice niya, para lang marinig kung paano niya i-deliver iyong punchline. Hindi yata siya tumama kahit isa. Masyado kasing seryoso minsan.
Dumating sa punto na sa kaniya na ako nagsasabi ng mga problema at hinanakit sa trabaho. May direct line na ako sa kaniya, kaya kapag may time pinapapunta niya ako sa opisina. Ilang iyak na rin ako sa harapan niya na parang apo na nagsusumbong sa lolo. Maaalala ko si Booma sa mga pagkakataong dapang-dapa ako.
Isa sa mga pinakahuli naming pag-uusap bago ako umalis sa dating trabaho, parang may hindi na siya maintindihan. Tinanong niya, “Bakit mo ito sinasabi sa akin, Jayson?”. Lumabas ako ng opisina na alam kong naintindihan na niya.
Last month, nalaman namin ng ilang kasamahan sa Imbestigador ang lagay ng kalusugan ni Booma. Nag-text ako ulit sa kaniya. Part ng text ko, “…sana makasama ka namin ulit. Miss na miss ka na namin. Mahal ka namin. Nandito kami para sa iyo”. Pero hindi na tulad nang dati, hindi na ako nakatanggap ng reply.
Susuungin ko ang mga susunod na araw na mabigat sa dibdib ang pagkawala ng isang kaibigan. Pagkakaibigan na binuo hindi lang ng trabaho, kundi ng pagmamalasakit sa isa’t isa.
Kulang ang mga salitang mahal namin ang dating boss namin. Hindi perpekto, pero talaga palang masakit mawalan lalo na kung matagal mong inipon ang mga sandaling nagkasama kayo.
Nakakatawa minsan iyong mga meme tungkol sa kaniya, pero para sa akin mas gusto ko sanang makilala ng mga tao si Mike Enriquez sa mga kuwentong ito.
At kami, maaalala namin siya sa isang kanta.
Mike, pasok!
Si Jayson Bernard Santos ay matagal na nagtrabaho sa Imbestigador bilang head writer at segment producer.