It’s Showtime, mananatili sa ere kahit sinuspindi ng MTRCB; Lala Sotto hindi bumoto sa suspensyon
Kassandra Manalo September 8, 2023 at 01:25 PMMapapanood pa rin ang noontime show na It’s Showtime kahit nagbaba ng 12 days suspension ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Agad namang nilinaw ni MTRCB Chairperson Diorella Maria “Lala” Sotto na hindi siya bumoto sa 12 days suspension na pinataw sa It’s Showtime kasunod ng akusasyon sa kanya na may kinalaman siya sa parusang ibinaba sa It’s Showtime lalo na at kalaban nito ang E. A. T. na isa sa mga host ang kanyang ama na si dating senate president Tito Sotto.
Matatandaang pinatawan ng parusang suspensyon ang programa dahil umano sa sunod-sunod na reklamong natanggap ng MTRCB tungkol sa malalaswang kilos ng mga host sa “Isip Bata” segment ng programa.
Naghain ang It’s Showtime ng motion for reconsideration sa ibinabang suspensyon matapos silang bigyan ng MTRCB ng 15 na araw upang umapela. Sakaling ibasura ng MTRCB ang kanilang appeal ay maaari pa rin nila itong iakyat sa Office of the President.
Nauna nang naglabas ng warning ang MTRCB sa noontime show ngayong taon dahil sa diumano’y pagbanggit ng host na sina Vice Ganda at Jhong Hilario sa salitang “G-spot” noong January 24. Noong June 3 naman, sinabi diumano ng host na si Vhong Navarro ang salitang “tinggil”.
Sa inilabas na statement ng ABS CBN, sinabi nilang natanggap na nila ang liham ng MTRCB at naniniwala ang Kapamilya Network na walang nilabag na anumang regulasyon ang It’s Showtime. Patuloy rin anila silang makikipag-ugnayan sa MTRCB para sa ikakaayos ng programa.
Kasabay nito ay naghain naman ng apela ang UP College of Mass Communication sa desisyon ng MTRCB sa It’s Showtime. Nanawagan din sila kay MTRCB Chair Lala Sotto na magbitiw na sa pwesto. Malinaw anila na nalagay sa kompromiso ang posisyon ni Sotto bilang public official dahil sa diumano’y pagkakaroon ng kinikilingan.
Sa ngayon ay binabantayan ng programa at ng mga manonood ang magiging resulta ng inihaing motion for reconsideration sa MTRCB.
Photo: It’s show time