| Contact Us

Kaso ng mga nagka-COVID-19 sa Pilipinas, all-time high na naman

Andres Bonifacio Jr. August 29, 2021 at 08:10 AM

Sa ikatlong pagkakataon para sa buwan lamang ng Agosto, muli na namang nakapagtala ng isang record-breaking na bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas na umabot sa 19,441 ang Department of Health o DOH nitong Sabado ng hapon, August 28.

Sa Case Bulletin No. 532 umakyat na sa 1,935,700 ang kabuuang indibidwal na tinamaan ng COVID-19 magmula nang maitala ang unang kaso noong Marso 2020.

Nasa 19,191 pas­yente naman ang gu­ma­ling kahapon para tumaas ang recoveries sa 1,760,013 na katumbas ng 90.9% ng total case count.

Umabot sa 167 pasyente ang nasawi para maitala ang death toll sa 33,007 na 1.71% ng total case count sa bansa.

Naitala naman ang mga aktibong kaso sa 141,679 na 7.4% ng total case count.

Matatandaan na nakapagtala ang kagawaran ng pinakamataas na bilang ng mga nahawa sa virus nitong August 23 na pumalo sa 18,332 na bumasag naman sa rekord nitong August 20 sa 17,321. Ito ay sa kabila ng mahigpit na quarantine classification na umiiral sa Metro Manila at iba pang karatig-lugar.

Babala ni DOH Secretary Maria Rosario Vergeire, asahan pa raw ang pagtaas ng mga bilang na ito sa mga susunod na araw dahil sa pagsipa ng bilang ng mga nagkakaroon ng mas nakahahawang Delta COVID-19 variant.

Ganito rin ang pagtingin ng OCTA Research Group sa magiging takbo ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.

Ayon kay Dr. Guido David, senior research fellow ng independent group, di pa raw nararating ng bansa ang tinatawag na ‘peak’ o pinakamataas na bilang ng nahahawa sa virus sa loob ng isang araw.

“What we are expecting is that after we have 20,000 or 21,000, baka magpe-peak na tayo and then it will gradually decrease but this is not a guarantee, kasi iba iba yung trends sa Philippines eh.” paliwanag pa ni David.

Photo courtesy of World Health Organization

Array
Facebook Notice for EU! You need to login to view and post FB Comments!
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 56 Last