Labor rights leader patay sa pamamaril
ARKIPELAGO March 29, 2021 at 03:41 AMPinaslang ng mga hindi pa nakikilalang salarin si Dandy Miguel, vice chairperson ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK-KMU). Siya rin ang pangulo ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa ng Fuji Electric-OLALIA-KMU.
Ayon sa pulisya ng Calamba City, Laguna, pinagbabaril si Miguel habang nagmamaneho ng kanyang sinasakyang motor bandang 8:45 pm, sa Asia 1 Mainroad, Barangay Canlubang, Calamba City, Laguna. Dinala siya sa JP Rizal Memorial Hospital pero idineklarang patay makalipas ang ilang minuto. Nagtamo ng walong tama ng bala sa kanyang katawan ang 35 taong gulang na si Miguel.
Napatay siya tatlong linggo makalipas ang madugong operation ng mga pulis at sundalo na kumitil sa buhay ng siyam na aktibista at lider-unyonista sa Southern Tagalog. Tinagurian ang pangyayari na ito na “Bloody Sunday”. Kasama si Miguel sa nananawagan ng hustisya para sa mga kasamahang pinaslang. Kinondena ng Kilusang Mayo Uno ang pagpaslang. Sa inilabas nilang pahayag sinabi nilang kasama si Miguel ng pamilya ng mga biktima para magsampa ng kaso sa Commission on Human Rights noong March 15, “Sa kabila ng mga banta sa buhay at seguridad, nasa unahan pa rin si Ka Dandy para ilaban ang karapatan at kagalingan ng mamamayan.”