Lalaking may dalang baril, inaresto sa San Jose del Monte
Arkipelago News Bulacan January 7, 2026 at 09:10 PM
CAMP GEN. ALEJO S. SANTOS — Isang lalaki ang inaresto ng pulisya matapos maaktuhang may dalang baril at pagala-gala sa RC 10, Barangay Citrus, San Jose del Monte City, Bulacan noong gabi ng Enero 6.
Ayon sa ulat ni PLt. Col. Reyson Bagain, hepe ng SJDM City Police Station, nakatanggap sila ng ulat mula sa mga residente ukol sa kahina-hinalang kilos ng suspek na nagdulot ng takot sa komunidad. Agad rumesponde ang mga operatiba at naaresto ang suspek dakong 11:10 ng gabi.
Narekober mula kay “Nelson” ang isang caliber.22 na handgun at isang magasin na may tatlong bala. Sumailalim siya sa medical examination at dinala sa himpilan ng pulisya.
Sa pahayag ni PCol. Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mabilis na aksyon laban sa mga armadong indibidwal upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko. Aniya, patuloy ang kampanya ng pulisya laban sa ilegal na pagmamay-ari ng baril upang maiwasan ang karahasan sa lalawigan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng SJDM City Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
š· Bulacan Police Provincial Office FB