Mandatory ROTC bill ipinababasura ng ilang senador
Sonny Fernandez March 5, 2023 at 05:17 PM![](https://arkipelagonews.com/wp-content/uploads/2024/01/image-393-1024x436.png)
Itinutulak ngayon ng ilang senador na ibasura na ang panukalang pagbabalik ng mandatory ROTC sa tertiary level curriculum.
Kinunan sila ng reaksyon ng media sa pagbabalik ng mandatory military training sa college sa gitna ng panibagong insidente ng hazing-related death sa bansa.
Nitong February 28, natagpuan sa isang mababaw na hukay sa Imus, Cavite ang bangkay ng 24-anyos Adamson University student na si John Matthew Salilig na sinasabing namatay sa welcoming rites ng Tau Gamma Fraternity.
Panawagan ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, “ibasura na yang mandatory Reserve Officers Training Corps o ROTC bill at gawin na lamang optional sa mga gustong magsundalo o interesado sa mga bagay na militar.”
Ipinaalala naman ni Deputy Minority Leader, Risa Hontiveros, na ang pagpatay sa UST cadet na si Mark Welson Chua ang dahilan kaya inabolish ang ROTC noong 2002. Ibinulgar ni Chua ang katiwalian at pangingikil sa ROTC sa kanilang school organ na The Varsitarian.
Sa katunayan ayon kay Hontiveros, “hanggang ngayon, wala pa ring hustisya sa pagkamatay ni Chua.”
“Walang puwang ang anumang uri ng karahasan sa atin mga paaralan at pamantasan,” paninindigan ni Hontiveros.
Paniwala ng senadora, “walang matibay na dahilan para buhayin ang mandatory ROTC program.”
Giit pa ni Hontiveros, “dapat nga ang mga opisyal ng Department of Education at Commission on Higher Education ay tumutok sa pagtitiyak ng seguridad at kaligtasan ng mga eskwelahan at ipatupad ang zero tolerance sa mararahas na gawain tulad ng hazing, para maproteksyunan ang mga estudyante sa lahat ng klase ng karahasan at hindi kinakailangan at maiiwasang mga pagkamatay.”
Paliwanag pa ng senadora, sayang lang ang bilyon-bilyong pisong buwis ng mamamayan na wawaldasin sa ROTC lalo na sa panahon ngayong may economic at education crises.”
Mas mapapakinabangan pa raw ang perang ilalaan sa ROTC sa pagsasaayos ng Literacy Training Service na parte ng National Service Training Program.
Suportado rin ni Senadora Nancy Binay ang panawagang ibasura ang ROTC dahil nagkakaisa naman daw ang lahat na ang “kultura ng karahasan ay walang lugar sa sibilisadong lipunan.
Panawagan ni Binay, “tigilan na natin ang dekadenteng kultura at bayolenteng tradisyon na nakakabit na sa sistemang panlipunan.”
Ani Binay, “ang hirap intindihin, ihanay at pagsamahin ang pagmamahal sa bayan sa training course na palpak sa pinakaubod nito.” Mahirap din “ipaliwanag kung bakit sinasabing ang tradisyon ng disiplina ay nagbubunsod ng maraming kaso ng hazing sa bansa.”
Photo: Sen. Risa Hontiveros FB Page, Sen. Koko Pimentel FB Page, Sen. Nancy Binay FB Page