Mga liham mula sa selda
Cristine Cabanizas July 4, 2021 at 09:04 AMMga piraso ng papel na naglalaman ng pakisuyo at paghingi ng tulong ang dumurog sa puso ni Roanne De Guzman, residente ng Pandi, Bulacan.
Ang inakala niya raw na simpleng araw ay napuno ng lungkot at awa.
Kuwento ni Roanne sa kanyang Facebook post, naglalakad daw siya kasama ang kanyang kaibigan nang maagaw ang atensyon nila sa mga papel na nagkalat sa labas ng Malolos Provincial Jail.
“Kanina habang naglalakad kami sa labas ng Malolos Provincial Jail, merong napansin yung kasama ko na isang maliit na papel. Tapos may napansin pa siya na dalawa doon lang din sa labas ng bakod ng provincial jail. Sa hindi namin inaasahan mga sulat pala ito ng mga preso doon,” ani Roanne.
“Paki-text po, salamat po” at “Rosalie Pascual, chat mo ‘yan,” ito ang mga salitang unang mababasa sa mga papel na nakatiklop at nakakalat sa daan.
HIndi raw sila nagdalawang isip na damputin at basahin ang mga nakasulat dito dahil malinaw raw na humihingi ng tulong ang mga taong nagsulat nito.
Sa panayam ng Arkipelago News kay Roanne, sinabi niya na naantig ang damdamin nila matapos basahin ang nilalaman ng mga sulat.
“Nakaramdam kami ng sobrang pagkaawa lalo na po ng malaman din naming my sakit sila at talagang hindi na sila pinupuntahan. Sobrang nakakadurog ng puso,” pahayag ni Roanne.
Ang mga liham ay naglalaman ng pagmamakaawa at kuwento ng pangungulila ng mga presong hindi na nadadalaw ng kanilang mga mahal sa buhay. Kasama rin sa hinihiling nila na madalhan daw sana sila ng gamot at pagkain.
“Leng, dalaw ka naman. Kailangan ko ng gamot sa trangkaso wala akong mahingan dito. Hindi nawawala ‘yung sakit ko sumasabay pa ‘yung potassium ko. Dalhan mo naman ako ng Bioflu, Solmux, sabon, saging, itlog, gulay, bagoong at ‘yung bumbilya na rin. Love you Leng, Mahal na mahal kita,” ito ang mensaheng nakasulat sa isang liham na nadampot nina Roanne.
Sa kagustuhang makatulong, nagdesisyon si Roanne na ibahagi ang kuwentong ito sa pamamagitan ng kanyang Facebook account. Agad naman itong pumukaw sa atensyon ng mga netizen.
“Sana wag po nating pabayaan kung meron man tayong mga kakilala na nasa loob, dahil bukod sa mahirap ang sitwasyon nila don masakit din sa para sa kanila ang hindi na madalaw ng mga taong higit na mas inaasahan nilang makita at tutulong sa kanila. Simpleng pagpapakita lang sa taong nasa loob at pangangamusta na may kasamang kaunting pagkain masaya na sila don,” pagbabahagi ni Roanne.
Photo courtesy of Roanne De Guzman