Mga tauhan ng Barangka Cemetery sinampahan ng reklamo dahil sa mga bangkay na isinako
Anna Hernandez October 31, 2024 at 11:46 PMMARIKINA — Sinampahan ng reklamo sa Marikina City Prosecutor’s Office ng lokal na pamahalaan ang anim na tauhan ng Barangka Cemetery matapos matuklasan ang ginawa nilang paglilipat sa mga sako ng mga hinukay na kalansay.
Tumayong complainant sina Dr. Christopher Guevara, hepe ng City Epidemiology Surveillance Unit (CESU), at Rolando Dalusong, hepe ng Environmental Health and Sanitation laban sa mga tagapangasiwa ng Barangka Cemetery na sina Renato Beltran, Ian Lester Beltran, Irish Santos, Rowell Ogayon, Pablo Papa at isang alyas “Solayao.”
Sinampahan sila ng reklamong paglabag sa Presidential Decree 856 at Section 5 ng Sanitation Code of the Philippines (unauthorized disturbance or exhumation of remains without permit, and failure to inter the remains in the proper manner).
Sa isinagawang inspeksyon at imbestigasyon ng City Health Office (CHO), nadiskubre sa isang open space ng sementeryo ang tinatayang isang daang sako ng mga labi ng tao at may mga kalansay pang nakalantad.
“The said remains were exhumed without permit from the City Health Office-Sanitation Section,” saad sa reklamo.
“The unauthorized exhumation of remains is a direct affront to the dignity and respect to the deceased, causing emotional distress, not only to the public, but also to the affected families and community.”
Samantala, nauna nang sinabi ni Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na pansamantalang hindi pahihintulutan ang paghuhukay sa nasabing libingan dahil sa isinasagawang rehabilitasyon.
“May existing nga tayong ordinansa pero naglabas ako ng moratorium para huwag na muna maghukay,” ani Teodoro.
Sinabi pa ni Teodoro na pinagkakakitaan umano ang pagtatanggal ng mga nakalibing upang muling ibenta ang espasyo o lote.
📷 Marikina City