Mula sa Maginhawa hanggang sa iba’t ibang sulok ng bansa
Cristine Cabanizas April 17, 2021 at 03:09 PMDahil sa dami ng taong natuwa at nahikayat, hindi na lang sa Maginhawa, Quezon City mayroong community pantry. Nagsisulputan na rin ito sa ilang lugar sa bansa.
Sa panayam ng Arkipelago news kay Ana Patricia Non, ang taong nasa likod ng Maginhawa Community Pantry, sinabi niya na isa raw sa gusto niyang mangyari ay dumami pa ang ganitong inisyatibo para makaabot at makatulong sa mas maraming Pilipino.
“Ngayong pandemic sobrang hirap na at nakakaawa ang kalagayan ng iba. Kaya naisipan ko ito kasi wala na, tayo-tayo na lang talaga. Yung ganitong tulong sobrang laking bagay na nito kahit pantawid gutom lang ng tao,” paliwanag ni Ana.
April 14 nang unang ibahagi ni Ana sa kanyang Facebook post ang larawan ng munting community pantry na itinayo niya gamit ang kawayang kariton sa Maginhawa Street, Quezon City. Layunin daw nito na hikayatin na magbigay ang mga may kakayahan para may mapagkunan ang mga nangangailangan.
“Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.”
Ang mga salitang ito ni Ana, hindi na lang sa karatula ng Maginhawa Community Pantry mababasa. Dahil makalipas lamang ang dalawang araw ng pagiging usap-usapan sa social media, dumami na ang gumaya at nagsimula na rin ng community pantry sa kani-kanilang lugar.
Isa si Elijah San Fernando sa na-inspire ng ginawa ni Ana. Kasama ang kanyang mga kapitbahay, nagtayo sila ng sarili nilang community pantry sa Matiyaga, Barangay Pinyahan, Quezon City.
Ipinaliwanag ni Elijah sa Arkipelago News kung bakit nila naisipang gawin din ito.
“We saw the Maginhawa Community Pantry at na-inspire doon. Kaya itong Matiyaga Community Pantry ay extension lang ng gawain in support of the Maginhawa Community Pantry. Majority ng mga beneficiary namin ngayon ay indigent families, mga tricycle drivers, mga nanay, at mga manggagawa,” ayon kay Elijah.
Dati pa raw nila ginagawa ang pagbibigay ng pagkain sa mga nangangailangan sa panahon mg pandemya.
“Prior to this initiative, naglulunsad na rin kami ng pamimigay ng gulay sa workers and poor communities. Yung mga gulay ay yung itatapon na sana dahil sa oversupply pero nagawan ng paraan na ibigay na lang sa mga nangangailangan,” dagdag pa ni Elijah.
Awa at pagmamalasakit sa kapwa ang nagtulak kay Paulene Lim para magtayo ng community pantry sa Dinalupihan, Bataan.
Sa panayam ng Arkipelago News sa kanya, sinabi niya na nararapat lang na tulungan natin ang isa’t isa.
“Actually it’s been long overdue to do such. And I saw what they did in Maginhawa. Kasi sobrang naaawa ako sa mga taong super apektado ng pandemic. Don’t get me wrong we all are. I have challenges on my own pero di ko talaga maiwasan yung hindi makahelp.”
Bahagi na raw siya noon pa ng mga donation drive sa kanilang lugar. Nang tanungin ng Arkipelago News kung ano ang nararamdaman niya sa patuloy na paglawak ng community pantry sa bansa, inamin niya na hindi niya mapigilan ang pag-iyak.
“To be honest I’m crying right now. Kasi sobrang nakakatuwa na maging part ng mga ganitong activities and lalo na dumarami kaming gumagawa nito. Marami ang makikinabang. And we can say “faith in humanity restored” in this kind of gestures,” ayon kay Paulene.
Dagdag pa niya, sa panahon daw ng pandemya hindi na pagpapayaman ang dapat nating pagkaabalahan kundi paghahanap ng paraan para makatulong at mabuhay.
Ipinapakita ng nagaganap ngayon na kayang manaig ng kabutihan at pagmamahal sa kapwa sa panahon ng kahirapan.
Ang tanging hiling ng mga taong kasama sa mga itinayong community pantry, gumawa rin daw sana ang iba’t ibang lugar ng sarili nilang community pantry para mas marami pa ang matulungan.
Sa kasalukuyan, mayroon na ring community pantry sa mga sumusunod na lugar:
C3 Road, Caloocan City
Boracay
Lipa, Batangas
Loyola Heights, Quezon City
Parang, Marikina City
Malanday, Marikina
Los Baños, Laguna
Sta. Cruz, Laguna
South City Biñan, Laguna
Dinalupihan Bataan
P. Noval, Manila
Bayombong, Nueva Vizcaya
Patuloy na dumarami ang mga taong nagtatayo ng community pantry sa kani-kanilang lugar.
Photos courtesy of Elijah San Fernando, Paulene Lim and Toots Vergara.