Mungkahing paghihigpit sa free college educ kinontra ni Sen. Hontiveros
Reggie Vizmanos September 7, 2023 at 11:53 AMMariing kinontra ni Senator Risa Hontiveros ang mungkahi ng Department of Finance (DOF) na i-review ang programang free college education sa mga state universities at colleges (SUCs) at salain ng husto ang mga kabataang tutulungan ng gobyerno sa pag-aaral.
Una rito ay sinabi ni DOF Secretary Benjamin Diokno na ang naturang programa na nakapaloob sa Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE) law na nilagdaan noong 2017 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay ‘unwieldy, inefficient and wasteful.’
Sinabi ng kalihim na naaaksaya sa programa ang pondo ng gobyerno na nagmumula sa buwis na ibinabayad ng taongbayan.
Ginamit pa niyang basehan ang ulat ng Commission on Higher Education na umaabot sa 40 porsyento ng mga estudyante ay nag-drop-out o huminto lang sa pag-aaral noong panahon ng pandemic.
Iginiit din ni Diokno ang sumusunod:
- i-review ang programa;
- palakasin ang K to 12 Basic Education program;
- salain nang husto sa pamamagitan ng national examination ang pagpili sa mga tutulungan ng pamahalaan sa pag-aaral at itakda kung saang partikular na SUC papapasukin ang bawat isang magiging scholar;
- taunang ibigay ang voucher na pangbayad sa SUC ang scholar depende sa school performance nito.
Pero ayon kay Hontiveros, “Nakakahiyang mismong ang gobyerno ang umaatras sa constitutional duty nitong siguraduhin na accessible ang education sa lahat ng antas para sa lahat. As it stands, free tertiary education prioritizes the youth who are academically able and who come from poor families…
mas may deserving pa ba sa kanila na mapabuti ang kalagayan at maabot ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral?
Aniya, ang mungkahing paghihigpit sa makikinabang sa universal access to quality tertiary education ay hindi sagot sa matagal ng isyu ng drop-out rates. Ang mas dapat umanong asikasuhin ng mga economic managers ng pamahalaan tulad ni Diokno ay ang pagbibigay ng solusyon sa mataas na gastos sa pag-aaral — mula sa pamasahe, pagkain/pambaon, at iba pa – at ang paglikha ng mga matatag na trabaho at pagkakakitaan ng mga mamamayan.
Dagdag pa ni Sen. Hontiveros, “Kung gusto talagang tulungan ni Sec. Diokno ang usapin ng maaksayang paggamit ng pondo ng gobyerno, bakit hindi niya busisiin ang mga pondong nailagak sa mga ahensyang hindi naman dapat, gaya ng confidential funds, at mga hindi nagagamit ng tama?”
Kumontra rin kay Diokno ang Alliance of Concerned Teachers (ACT)-SUCs.
Ayon kay ACT-SUCs spokesman Carl Ramota, napakaliit lang na 0.83 porsyento ng 2023 national budget ang inilaan sa programa na ipinantulong sa pag-aaral ng dalawang milyong mahihirap na estudyanteng Pilipino.
“How can that be seen as a waste of public funds?” ani Ramota.
Iginiit niya na ang mataas na drop-out rate ay hindi nangangahulugang hindi napili nang sapat ng programa ang mga benepisyaryo bagkus aniya ay indikasyon ito na sa kabila ng libreng college education ay hindi pa rin nakaka-concentrate sa pag-aaral ang mga estudyante dahil sa mga problema sa kahirapan.
Photo: Sen. Risa Hontiveros