Nagpoprotestang Grab riders ipinagtanggol ni Sen. Hontiveros
Reggie Vizmanos October 27, 2023 at 11:19 PMIpinagtanggol ni Senator Risa Hontiveros ang mga Grab riders na nagpoprotesta laban sa pagbabawas sa kinikita nila sa kanilang pagde-deliver bunga ng bagong fare matrix na ipinatupad ng kanilang kumpanya.
Base umano sa bagong fare matrix ng Grab, ibinaba ang minimum base fare mula P45 papuntang P35 at ang dagdag na bayad per kilometer na mula P10 ay naging P7. Ang base fare ang batayang singil sa delivery at pinapatungan ito sa bawat kilometro ng biyahe.
“Kaisa ako ng mga Grab riders at lahat ng riders sa iba-ibang platforms sa laban nila para sa mas makatarungang fare matrix. These platform companies that engage in abusive practices have a lot of explaining to do,” sabi ni Senator Hontiveros.
Dagdag pa niya, “Kung magpapa-deliver ka, posibleng makamura ka ng P10 sa delivery fee, pero kakargahin iyon ng mga kuya o ate na rider… If the goal of this new fare matrix is to ease the burden on Grab’s customers, it should not come at the expense of the platform’s riders.” (Kung ang intensyon sa pagpapatupad ng bagong matrix ay mapagaan ang gastusin ng mga customer, hindi dapat pagdusahin dito ang mga rider).
Kinuwestyon din ng senador kung paano matatawag na “fair and sustainable” ang ganitong sistema, lalo na aniya sa hirap ng buhay ngayon, at kung ito na ba talaga ang “most competitive earning potential” para sa mga riders.
Giit pa ni Hontiveros, “Sa panahon ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin, hindi tama na tatapyasan pa ang kita ng ating mga manggagawa, kahit pa gig workers sila, tulad ng ating mga riders. Maliit na nga ang kinikita nila noon pa, ngayon mas liliit pa?”
Ibinunyag pa niya na mayroon umanong mga ulat na ang mga riders na nag-protesta laban sa bagong fare matrix ay sinuspinde diumano dahil sa safety concerns. Dapat aniyang ipaalala sa lahat ng ride-hailing platforms tulad ng Grab na ang mga riders ay may karapatang mag-organisa at magprotesta sa mapayapang paraan.
Ang isyung ito aniya ay nagpapatingkad sa pangangailangang punuan ang pagkukulang sa mga batas upang maprotektahan ang mga karapatan ng mga riders at ng lahat ng mga Pilipinong nasa tinatawag na “gig economy” o sitwasyon sa paghahanapbuhay na hindi pang-matagalan at karamihan ay freelancers, independent contractors, project-based workers at temporary o part-time hires lang.
“Patuloy ang aking pagtulak sa Senate Bill No. 1373 o ang POWERR (Protektadong Online Workers, Entrepreneurs, Riders and Raketera) bill, na naglalayong bigyan ng konkretong benepisyo at proteksyong legal ang mga nagtatrabaho sa gig economy,” saad ni Hontiveros.
Pagwawakas ng senadora, “Empowering the labor force doesn’t only involve dispensing salary. We should also ensure job security and stability, especially for the underrepresented informal sector… As one of the leading platforms in the country, Grab should uphold the principle of equal pay for equal work if they are to truly consider their overall business model a success. “
(Ang pagbibigay ng lakas sa mga manggagawa ay hindi lang tungkol sa pagbibigay sa kanila ng suweldo. Dapat ding tiyakin ang seguridad at katatagan ng kanilang trabaho, lalo para sa mga nasa informal sector…Bilang isa sa mga nangungunang platforms sa bansa, ang Grab ay dapat gumagalang sa prinsipyo ng patas na pasuweldo sa patas na paggawa kung talagang nais nilang ituring ang kanilang negosyo bilang modelo ng matagumpay na pagnenegosyo).
Photo: Sen. Risa Hontiveros