Nambatok at nagkasa ng baril sa siklista, sasampahan ng mga kaso
Reggie Vizmanos August 28, 2023 at 10:00 AM
Patung-patong na kaso ang posibleng kaharapin ng lalaking nambatok at nagkasa ng baril sa isang siklista sa bahagi ng Welcome Rotonda sa Quezon City.
Naging viral sa social media ang video clip ng insidente na in-upload ng isang concerned citizen lalo na nang ipost ito ng kilalang abogado na si Atty. Raymond Fortun. Sinabi rin ni Fortun na siya ang magiging abogado ng biktimang siklista.

Ayon kay Fortun, noon pang Agosto 8 naganap ang insidente pero noong panahong iyon ay ayaw pa raw magreklamo ng biktima.
Dinala pa umano ng suspek ang biktima sa presinto at sapilitang pinagbayad ng danyos na 500 pesos dahil nagasgasan ang kanyang kotse.

Inihayag din ni Fortun na ang kotseng dala ng suspek ay isang 2013 red Kia na may plate number na ULQ 802. Hindi raw ito rehistrado ngayong taon.
Dahil sa pag-init ng isyu ay napilitang lumantad ang suspek na kinilalang si Willy Gonzales. Nagtungo siya sa tanggapan ng Quezon City Police District (QCPD) sa Camp Karingal upang magpaliwanag at nagsalita pa siya sa isang mabilisang press conference doon.
Ayon kay Atty. Raymond Fortun, posibleng maharap ang suspek sa mga kasong Attempted Homicide, Grave Threats, at Slander by Deed na kitang-kita naman aniya sa video.
Ikinuwento rin ni Atty. Fortun kung paano napunta sa kanya ang kaso at kung bakit siya nagdesisyong tulungan ang biktimang siklista.
“Ako ay isang Moderator ng Pinoy Road Bikers, isang cycling forum sa Facebook with 86,600 members worldwide. The video was brought to my attention only this morning, kahit na nung August 8 pa nangyari ito.”
“I was just shocked nung nakita ko yung video. Nag-cut yung sasakyan sa harap ng siklista, binatukan at kinasahan ng baril. My sense of moral duty compelled me to re-post the video and ask for the public’s help to identify the man driving the Kia,” dagdag pa ni Fortun.
Dahil sa pagmamalasakit ng mga netizen at sa pagnanais na makilala kung sino ang lalaki sa video, mabilis na kumalat sa social media ang pangyayari. Nakatulong ito ng malaki sa kaso.
“I have always believed in the goodness of people, and a willingness to stand up laban sa mga mapang-api especially against those in govt. As it turns out, dating pulis ito. It somehow explains why he acted in such an abusive manner,” paliwanag ng abogado.
Nakahanda rin daw ang biktima na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban kay Gonzales.
“I am in communication with him (cyclist) now. Tinatakot lang din sya ng mga pulis. Tinatawagan sya para ‘wag na magdemanda. Alam ng siklista na dating CIDG itong si Wilfredo Gonzales at may kapasidad na gumawa ng masama sa kanya at sa kanyang pamilya,” ayon pa kay Fortun.
Screenshot: Mr. VI Vlogs