Ngayong Buwan ng Wikang Pambansa: Pangulong Marcos iginiit ang pagpapahalaga sa wikang Filipino
Reggie Vizmanos August 1, 2023 at 06:51 PMSa pagsisimula ng paggunita sa Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto, iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang pagpapahalaga sa wikang Filipino.
“Sa pagkakataong ito, ating bigyang-pansin ang kapangyarihan ng wika hindi lamang sa pagbuo ng ating kaisipan at paraan ng komunikasyon, kundi pati na rin sa pagkintal ng ating patuloy na pagsulong at pagdala ng kolektibong karunungan sa bawat henerasyon,” ayon sa pangulo.
Dagdag pa niya, “Sa pamamagitan ng wikang Filipino, ating ilahad ang mga kuwento at karanasang magiging matibay na saligan ng ating pag-unlad.”
Ang “Buwan ng Wikang Pambansa” ay ipinagdiriwang tuwing Agosto 1-31 alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997, na nag-atas din sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na pangunahan ang pagsasagawa ng mga aktibidad para rito. Ang tema ngayong taon ay “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”
Photo: Presidential Communications Office