Operasyon ng Malampaya, dapat na raw kunin ng gobyerno
Kate Papina February 14, 2023 at 06:26 PMNanawagan sa pamahalaan ang isang dating opisyal ng Department of Energy (DOE) na kunin na ang kontrol ng Malampaya Gas Field Project.
Sa isinagawang online forum na inorganisa ng National Youth Movement for West Philippine Sea (NYMWPS) noong February 9, hinikayat ni dating Energy Undersecretary Eduardo Mañalac si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag nang i-extend ang kontratang kalakip ng Service Contract No. 38 na hawak sa kalukuyan ng Udenna Corporation na pagmamay-ari ni Dennis Uy at ng Prime Infrastructure Capital na kontrolado ni Enrique Razon. Mapapaso na ang kontrata sa 2024.
Mas dapat din daw na ang Philippine National Oil Company (PNOC) na ang mangasiwa sa Deepwater Gas-to-Power Project ng Malampaya. Nilikha ang PNOC noong 1973 para pangasiwaan ang operasyon ng mga proyektong may kinalaman sa langis at enerhiya.
“By simply not renewing the contract, it deliberately places direct control of Malampaya operations in the hands of the government,” paliwanag ng dating opisyal ng DOE.
Dagdag pa ni Mañalac, umaabot sa P100 milyon kada araw ang pinaghahatiang kita ng dalawang pribadong kumpanya na nagmamay-ari ng 90% controlling stake sa Malampaya. 10% naman ang share ng PNOC. Maaari raw mapunta sa gobyerno ang kitang ito kung PNOC na ang hahawak sa operasyon ng Malampaya.
“It will also serve to maximize earnings for the Filipino people, who are at this point, losing billions of pesos to what we believe as unqualified private companies,” ani Mañalac.
Paliwanag pa ng dating Energy official, isinasaad sa Presidential Decree No. 87 o ang Oil Exploration Act of 1972 na ang mga kumpanyang may kakayahang teknikal at pinansiyal lamang ang maaaring bigyan ng kontrata.
Matatandaang kinuwestiyon na dati nina Mañalac at ng NYMWPS kung tama ang naging proseso para mailipat sa Prime Infra at Udenna ang kontrol sa Malampaya na dating pinapatakbo ng Shell at Chevron. Wala anilang teknikal na kakayahan ang dalawang kompanya para mag-operate ng gas frield. Sa Malampaya nagmumula ang 20% ng enerhiyang kinakailangan para sa kuryente ng Luzon, ang pinakamalaki sa tatlong major island ng bansa.
Photo: Shell Global