Oxfam Pilipinas nanawagan ng agarang aksyon sa lumalalang HIV crisis sa mga kabataan
Mike Manalaysay June 5, 2025 at 08:34 PM
MAYNILA — Nanawagan ang Oxfam Pilipinas ng agarang pagtugon sa lumalalang krisis ng HIV sa mga kabataang Pilipino na may edad 15 hanggang 25, kasunod ng nakababahalang pagtaas ng mga kaso ng HIV infection sa nasabing age group. Bilang tugon, iginiit ng organisasyon ang kahalagahan ng malawakang pagpapatupad ng Comprehensive Sexuality Education (CSE) sa mga paaralan bilang pangmatagalang solusyon na nakabatay sa siyensya.
Ang CSE, na naaayon sa Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Law, ay nagbibigay ng age-appropriate, medically accurate, at inklusibong edukasyon sa mga kabataan na may edad na 10 hanggang 19. Layunin nitong bigyan sila ng sapat na kaalaman upang makagawa ng matalinong desisyon ukol sa kanilang sexual at reproductive health. Makatutulong itong maiwasan ang pagkalat ng HIV at iba pang sexually transmitted infections.
Sa pamamagitan ng CSE, natutulungan ang kabataan na maunawaan ang kanilang sarili, emosyon, at mga relasyon. Isinasagawa ito kaakibat ang mga magulang o guardian at alinsunod sa mga alituntunin ng mga ahensya ng pamahalaan.
Bukod sa pagtugon sa HIV crisis, ang malawakang pagpapatupad ng CSE ay makatutulong din sa pagresolba ng isyu ng teenage pregnancies sa bansa. Sa pamamagitan ng tamang impormasyon, nabibigyan ng kapangyarihan ang kabataan na planuhin ang kanilang kinabukasan at maiwasan ang mga sitwasyong maaaring makaapekto sa kanilang pag-aaral at buhay.
Ang Oxfam Pilipinas ay nakatuon sa pagtulong sa mga kababaihan at iba pang marginalized sector sa pamamagitan ng mga programang nakasentro sa economic justice, conflict transformation, at gender justice. Kabilang sa kanilang mga gawain ang pagbibigay ng agarang tulong sa panahon ng kalamidad, pagsusulong ng mga patakarang pabor sa mahihirap, at pagpapalakas ng kakayahan ng mga komunidad na harapin ang mga krisis.
Ang Oxfam Pilipinas ay bahagi ng 79 na bansang bumubuo sa Oxfam global confederation. Nakikipagtulungan ito sa mga lokal na organisasyon, pamahalaan, at iba pang sektor upang lumikha ng makatarungan at inklusibong lipunan.
📷 Oxfam Pilipinas