P125M confidential funds ubos sa loob ng 11 araw; Tanong ni Hontiveros sa OVP: Saan dinala ang pera?
Reggie Vizmanos September 27, 2023 at 12:18 PMTahasang tinanong ni Senator Risa Hontiveros ang Office of the Vice President (OVP) kung saan nito dinala ang pera kasunod ng pagkakabunyag na naubos ng tanggapan ang 125 milyong pisong confidential funds nito sa loob lang ng 11 araw o mula Disyembre 13 hanggang Disyembre 31, 2022.
Sa deliberasyon ng Kongreso sa panukalang budget ng Commission on Audit para sa taong 2024 na inisponsor ni Marikina Representative Stella Luz Quimbo ay tinanong ni House assistant minority leader Gabriela Party list Rep. Arlene Brosas kung totoo ba ang nakalap niyang impormasyon na sa loob lang ng 19 na araw ay naubos na agad ng OVP sa pamumuno ni Vice President Sara Duterte ang 125 milyong pisong confidential funds para sa taong 2022.
Sagot ni Quimbo, “The truth is I was also surprised when I heard reports that the amount was spent within 19 days. I asked COA and I checked numerous reports. It was not spent within 19 days, but 11 days.” (Ako rin ay nagulat sa mabilis na pagkaubos ng naturang pondo. Tinanong ko ito sa COA at nag-check din ako ng maraming mga report. Hindi 19 na araw kundi sa loob lang ng 11 naubos ang pondong ito).
Kaya sinabi naman ni Hontiveros na, “Anong uri na naman ng magic ang ginamit nila para ubusin ang P125M sa loob ng 11 araw? Hindi na lang yan spending spree. Yan ay paglapastangan sa mamamayan.”
“Napakagaspang. P11 million kada araw? Daig pa ang may patagong credit card sa national budget. Hindi niyo pera yan!” dagdag pa ng senadora.
Nilinaw ng senador na ang confidential funds ay maaari namang gamitin sa valid o balidong gawain tulad ng mga gastusin para sa surveillance activities ng mga civilian agencies ng pamahalaan.
Paliwanag pa ni Hontiveros, “Yung ating Coast Guard sa West Philippine Sea, araw-araw binabantayan ang sumpong ng China. 17 years pinagkasya ang P117 million na confidential funds. Ang OVP, hindi man lang umabot sa dalawang linggo.”
“What can VP Sara show for it? Nagmass hiring ba ang OVP ng libo-libong informant sa loob lang ng 11 na araw? Nagpatayo ba sila ng daan-daang safehouse sa loob lamang ng 11 na araw?” Tanong pa niya.
“Babalik lang tayo sa paulit-ulit na tanong: Saan niyo dinala ang pera? Naghihintay ng resibo ang buong Pilipinas,” saad ni Hontiveros.
Ang OVP sa pamumuno ni Duterte ay humihingi ng panibagong P500M confidential funds para sa 2024. Bukod pa ito sa hinihinging 150M na confidential funds para sa DepEd na pinamumunuan din ni Duterte.
Photo: Sen. Risa Hontiveros FB