Pagbiyahe sa tren mula Malolos hanggang Valenzuela, abot-kamay sa Disyembre—DOTr
Ian Lopez May 30, 2021 at 10:29 AMInanunsyo ng Department of Transportation na magsisimula na ang partial operation ng PNR Clark Phase 1 bago matapos ang taon. Sa ilalim nito ang rutang Malolos, Bulacan hanggang Valenzuela City.
Ayon pa sa DOTr paparating na ang unang set ng mga bagon ng tren sa Disyembre. Kung kaya pinapaspasan na raw nila ang konstruksyon ng mga magiging istasyon sa mga bayan ng Meycauayan, Marilao, Bocaue, Balagtas, Guguinto at Malolos.
Ang mga istasyon naman ng Meycauayan sa Bulacan at Malanday sa Valenzuela City ang magsisilbing train depot o garahe ng mga tren.
Sa ngayon ay sinisimulan nang ikabit ang mga riles sa nasabing mga istasyon kung saan nakahulma na rin ang paglalagyan ng mga ito. Unti-unti na ring ikinakabit ang mga poste na magsisilbing pundasyon ng proyekto.
Sa pahayag ni DOTr Secretary Arthur Tugade, mayroon na aniyang mga lugar na itinatayo para sa simulator na nakatakdang dumating sa Oktubre. Ang simulator ang makinang magagamit para sa training ng mga magpapatakbo ng tren. Kawangis nito ang aktuwal na proseso ng operasyon.
Target na maging full operational ang proyekto sa 2022 kung saan nasa mahigit 30 minutos na lamang umano ang travel time kumpara sa kasalukuyang isang oras at kalahati mula Malolos Bulacan papuntang Tutuban sa Maynila.
Ang proyektong ito ay bahagi ng North-South Commuter Railway na layong pagdugtungin ang probinsya ng Pampanga hanggang Laguna.
Photo courtesy of DOTr