| Contact Us

Pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, nakunan ng video

Arkipelago News March 4, 2023 at 05:59 PM

Lumutang ang CCTV footage ng pagpaslang kay Governor Roel Degamo ng Negros Oriental sa loob ng kanilang compound sa Barangay Nueve, bayan ng Pamplona, kaninang 9:00 a.m., March 4.

Makikita sa video ang pagpasok ng isang armadong grupo na nakasuot ng army at navy uniform sa bakuran ni Governor Degamo. Kitang-kita rin sa video nang paputukan nang malapitan at bumagsak ang lalaking kausap ng mga armado. Sa puntong ito nagsimula na ang pamamaril. Mapapanood din ang pagbagsak ng iba pang taong tinamaan na nasa loob ng compound. Hindi rin nakaligtas sa pamamaril ang gobernador pati na ang kanyang mga bodyguard at ilang sibilyan.

Ayon sa inilabas na pahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG), kasalukuyang nakikipag-usap si Governor Degamo sa kanyang mga constituent na benepisyaryo ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) nang paulanan siya ng bala. Tumakas ang mga salarin matapos isagawa ang krimen lulan ng dalawang SUV.

Naitakbo pa sa ospital si Governor Degamo pero binawian siya ng buhay dakong 11:40 a.m. ayon sa kanyang asawa na si Pamplona Mayor Janice Degamo. May mga impormasyon din na limang sibilyan ang namatay sa pamamaril.

Kinondena ng DILG ang karumal-dumal na krimen sa isang kasalukuyang naglilingkod na gobernador.

“Nagbigay na ako ng direktiba sa Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng hot pursuit operations para agad na mahuli ang mga suspek na responsable sa krimeng ito. Nakadeploy na ang mga puwersa ng Negros Oriental Provincial Police Office pati na ang mga kapulisan sa karatig na probinsya para galugarin ang bawat sulok ng lugar para agad na madakip ang mga criminal,” ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos.

“Asahan ninyo na hindi kami titigil hanggang hindi nareresolba ang kasong ito gayundin ang iba pang insidente ng pananambang na nangyari sa mga nakalipas na araw. We will quickly get to the bottom of this,” ayon pa sa kanilang pahayag.

Nananawagan din ang DILG sa mga nakakita ng pangyayari.

“Samantala, umaapila rin kami sa mga saksi na maaaring nasa lugar na pinangyarihan ng insidente na mangyari lamang na ilahad ang kanilang nasaksihan at makipagtulungan sa PNP para makamit ang hustisya para kay Gov. Degamo.”

Video: ctto

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 56 Last