Pagpunta ni Pangulong BBM sa Singapore para manood ng karera ng sasakyan, binabatikos
Mike Manalaysay October 3, 2022 at 02:16 PMBinabatikos ngayon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr dahil sa pagpunta niya sa Singapore noong October 1, para manood ng Grand Prix, sikat na karera ng mga sasakyan. Ang 2022 F1 season ang kauna-unahang isinagawa mula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa mga bumabatikos kay Pangulong BBM, imbis daw na unahing dalawin at tulungan ang mga namatay, at asikasuhin ang mga nasalanta ng Super Typhoon Karding ilang araw pa lang ang nakakaraan, mas inuna pa raw ng pangulo ang manood ng karera sa Singapore. May mga nagsabi rin na tila insensitive si BBM dahil sa dami anila ng problema ng bansa tulad ng patuloy na pagtaas ng bilihin at paglobo ng utang ng bansa sa mahigit 13 trilyong piso as of August, ayon sa Bureau of the Treasury. Nagtatanong din ang mga pumupuna kung pera o gamit ba ng taumbayan ang ginastos ni Pangulong Marcos at ng kanyang mga kasama.
October 2 nang magsimulang umingay ang social media sa balitang nagpunta sa Singapore si BBM para manood ng Grand Prix. May mga nagpost din na nagpunta sa Singapore ang Gulfstream G280, ang eroplanong ginagamit ng presidente ng Pilipinas na binili sa panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Wala pang reaksyon ang Palasyo kung totoo ang balitang ito.
Nakumpirma ang balita nang magsimulang maglabasan ang mga larawan ng pangulo sa Singapore Grand Prix kasama ang kanyang anak na si Congressman Sandro Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Walang naging pahayag ang Palasyo ng Malacañang sa balitang ito sa buong araw ng October 2. Matapos kumalat at pag-usapan ang pangyayari, kinumpirma kaninang umaga, October 3, ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na nagtungo nga sa Singapore ang pangulo.
“Naging produktibo ang pagdalaw sa Singapore ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr.
Pinagpatibay niya ang mga pangunahing usapan sa huling state visit sa bayan na ito, at pinatuloy ang paghihikayat sa pag invest sa bayang Pilipinas,” ayon sa Facebook post ni Secretary Angeles.
Isinama rin ni Angeles sa kanyang pahayag ang screenshot ng post ni Tan See Leng, Minister of Manpower ng Singapore na nagsabing nakausap niya si Pangulong BBM at iba pang opisyal, “to affirm our bilateral economic relationships and strengthen collaborations in energy cooperation as well as exchange views on manpower policies on the sidelines of the race.”
Pero hindi ipinaliwanag ni Angeles kung working o official visit ba ang ginawa ng pangulo, at kung bakit hindi ito isinapubliko.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nabatikos ang pangulo dahil sa diumano’y madalas na pagdalo niya sa mga party at marangyang pamumuhay sa gitna ng kahirapang nararanasan ng marami sa kasalukuyan.
PHOTO: singaporegp/CTTO