Pahayag ni Sen. Risa Hontiveros tungkol sa diumano’y pagbago sa kasaysayan, sinagot ni VP Sara Duterte
Mike Manalaysay October 25, 2022 at 07:31 PM‘Let’s take it straight from the horse’s mouth. In issuing Presidential Decree 1081, then-President Ferdinand E. Marcos, Sr. placed “the country under a state of Martial Law.” Not a New Society. Not anything else. Martial Law.’
Ganito sinimulan ni Senator Risa Hontiveros ang kanyang pahayag tungkol sa balitang ginagamit ang mga salitang “new society” o bagong lipunan para ilarawan ang martial law. Nagmula ito sa pahayag ng isang senior high school student sa Marinduque kamakailan. Lumabas din sa balita ang pag-amin ng isang teacher sa Lungsod ng Maynila na sinabihan diumano silang alisin ang ilang artikulo at aralin tungkol sa martial law.
“DepEd should not be an enabler of Martial Law rebranding.
The continued existence of school material that one-sidedly frames the Martial Law period as a “New Society” is a blatant failure of our education authority to ensure the truthful, factual, and complete historical narration of the Marcos dictatorship, and instead enables its propaganda,” ayon sa pahayag ni Hontiveros.
Dagdag pa niya, nakapaloob na sa batas ang pagkilala sa mga nangyaring pang-aabuso noong panahon ng martial law ng diktador na si Ferdinand E. Marcos Sr., ama ni President Bongbong Marcos.
“The State, through RA 10368, already acknowledged the suffering, deprivation, damage and gross human rights violations inflicted during the Marcos dictatorship. Tungkulin ng DepEd, pati ng CHED, na ituro ang katotohanan, anuman ang paksa. Lies are not education; they are propaganda. Lies are already undoing our society,” pagdidiin pa ni Hontiveros.
Pinaalala rin ng senadora na mismong ang ina ni dating Pangulong Duterte at lola ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang isa sa mga nanguna noon sa Davao sa paglaban sa diktadurya.
“Obligasyon nating maging mapagmatyag laban sa dahan dahan at paunti-unting pagbaluktot sa ating kasaysayan sa alaala ng mga nanguna sa pagtutol sa diktadurya, gaya ng lola ng ating DepEd Secretary sa Davao, at lalo’t higit sa mga nagbuwis ng buhay para ibalik ang demokrasya sa bansa,” ani Hontiveros.
Samantala, naglabas na rin ng pahayag si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte ngayong araw, October 25. Itinanggi niya ang alegasyong binabago ng DepEd ang kasaysayan tungkol sa martial law.
“Katulad ng milyon-milyon nating mga kapwa Pilipino, alam ko po ang kahalagahan ng Martial Law at EDSA Revolution sa ating kasaysayan bilang isang bansa.
Bilang bata, hindi ko mabilang ang mga yellow pages sa directory ng telepono na ginupit ko para gawing confetti ng mga Yellow Friday Movement demonstrations sa pangunguna ni Soledad Duterte, ang aking yumaong lola, sa Davao City. Mukhang mas marami tayong ambag sa mga pagkilos laban sa Martial Law kaysa sa ilang maiingay na anti-Marcos ngayon,” ayon kay Duterte.
Binigyang diin din ng Bise Presidente na hindi kasama sa trabaho niya ang pagbago ng kasaysayan.
“Bilang Education Secretary, wala po sa aking mandato ang pagsira sa integridad ng ating kasaysayan. At ang Department of Education — na kasalukuyang abala sa mga programang naglalayong maiangat ang kalidad ng basic education sa Pilipinas — ay walang panahon para sa historical revisionism na pilit na iginigiit ng ilang mga anti-Marcos groups,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag din niya na hindi totoo ang sinasabing rebranding o binabago nila ang imahe ng martial law.
“The terms New Society/Bagong Lipunan and Martial Law are both historical facts. It is a historical fact that New Society refers to the program launched by Former President Ferdinand Marcos Sr. during his administration. And it is another historical fact that Martial Law refers to the 14-year rule of the former President. Both terms have been used in DepEd textbooks since 2000 — within their proper context,” ani Duterte.
Hindi raw gawain ng DepEd na burahin ang katotohanan at palitan ng ibang bagay. Sinagot din ni Duterte ang social media post ng estudyante mula sa Marinduque tungkol sa module na may terminong New Society. Ipinakita lang daw ang isang linya at hindi ang buong pahina ng module.
“Ibig sabihin, kulang ito sa konteksto at maaari itong baluktutin ayon sa naratibo ng mga bumabatikos sa DepEd at nagpapakalat ng kasinungalingan tungkol sa rebranding at historical revisionism.
Ang buong pahina ay malinaw na tumatalakay sa mahabang panahon ng batas militar o Martial Law at ng EDSA Revolution,” paliwanag pa ni Duterte.
September 21, 1972 nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang martial law para palawigin ang kanyang terminong magtatapos na sana sa taong 1973. Ayon sa mga court record at iba pang opisyal na dokumento, laganap ang paglabag sa karapatang pantao at pagnanakaw sa kaban ng bayan sa panahon ng martial law. Sa pagtataya ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), nasa sampung bilyong dolyar ang binabawi nilang halaga mula sa mga Marcos. Ang garapalang korupsyon sa administrasyon ni Marcos ang sinasabing dahilan ng pagbagsak ng ekonomiya ng bansa. Taong 1986 nang tuluyang napatalsik sa kapangyarihan si Marcos.