Pangulong Marcos: ‘Bakit walang tubig?’ — LWUA pinagpapaliwanag
Mike Manalaysay June 11, 2025 at 06:14 AM
MAYNILA — Inatasan ng Malacañang ang Local Water Utilities Administration (LWUA) na agad magsagawa ng imbestigasyon upang alamin kung bakit walang tumutulong tubig sa mga palikuran ng mga paaralang ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Bulacan.
Napansin ng Pangulo ang kalagayan ng mga banyo sa Tibagan Elementary School sa San Miguel, Bulacan at Barihan Elementary School sa Malolos, Bulacan, sa kanyang pagbisita para sa pagsisimula ng Brigada Eskwela noong Hunyo 9.
“We have to look at the rehabilitation of many of them, kailangang-kailangang linisin at pagandahin ang mga bathroom. Hindi naman mahirap gawin yon, except ang problema sa mga pinuntahan naming eskwela, walang tubig. Kaya yun ang titignan naming mabuti kung saan dapat mangggaling ang tubig, bakit walang tubig?” saad ng Pangulo.

Binanggit din ng Pangulo na bibigyang-priyoridad ng pamahalaan ang pagtitiyak na may sapat na suplay ng tubig at maayos ang kalagayan ng mga palikuran sa mga pampublikong paaralan.
“Basic ‘yan e. Kasi pati ang health ng bata, matatamaan—magkakasakit kapag hindi malinis ang pinupuntahan nilang bathroom,” ayon sa Pangulo.
Ayon naman kay Palace Press Officer Claire Castro, dapat itong masolusyunan agad lalo na’t usapin ito ng kalusugan ng mga kabataan.

“Ito po ay hindi simpleng aberya. Ito ay usapin ng kalusugan at ng dignidad ng ating mga estudyante. Paano sila makakapag-aral ng maayos kung ang mismong eskwelahan ay kulang sa batayang serbisyo?” ani Castro sa isang Palace briefing.
Sa isinagawang Brigada Eskwela sa Barihan Elementary School sa Malolos, Bulacan, inilahad ng pangulo ang mas pinaigting na paghahanda ng pamahalaan para sa pagbubukas ng klase, kabilang na rito ang pag-hire ng 20,000 bagong teacher upang mas matutukan ang edukasyon ng mga mag-aaral.
📷 PCO