Panibagong oil price hike nakaamba; Pagtanggal ng buwis sa petrolyo ipinanawagan ng PISTON
Reggie Vizmanos September 18, 2023 at 09:57 AMIsa na namang panibagong malakihang taas-presyo ng mga produktong petrolyo ang nakaambang mangyari, at ito na ang magiging ika-11 beses ng sunod-sunod na oil price hike sa bansa mula noong nakaraang buwan ng Hulyo.
Sa isang pahayag, inalerto ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator (PISTON) ang publiko tungkol sa taas-presyo.
Ayon sa kanilang Facebook post, “oil price hike alert! Inaasahang big time oil price hike sa Martes, Sept. 19, 2023:
Diesel – P2.30-P2.60/l
Gasolina – P1.70-P2.00/l
Kerosene – P2.00-P2.30/l”
Kasabay nito ay pinuna ng grupo ang pagbiyahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Singapore upang manood ng F1 Race.
Dagdag pa ng PISTON, “Samantala, imbis na agarang tugunan ang paghihirap natin dahil sa mga magkakasunod na taas-presyo sa langis, bigas, kuryente, at iba pang bilihin, naglalakwatsa na naman si BBM! Nagawa pang manood ng F1 Grand Prix sa Singapore sa gitna ng krisis sa bansa. Ang VP na si Sara naman, busy pa rin sa Confidential Funds nya!”
Ayon kay PISTON national president Mody Floranda, “Mas matutulungan ng gobyerno ang mga tsuper at operators kung babawasan o tuluyan muna nitong ititigil ang pagpapataw ng buwis sa mga produktong petrolyo.”
“Kung gusto talaga tulungan ng ating gobyerno ang sektor at ang ating mga mamamayan, dapat ‘yung pagbabawas, pagtigil sa paghingi ng mataas na buwis sa usapin ng produktong petrolyo para domino effect naman ito sa pagbaba ng mga bilihin,” dagdag pa niya.
Giit pa niya, “Lalamunin lamang ng nakaambang taas-presyo na naman sa mga produktong petrolyo, ang pisong dagdag sa pamasahe na inaprubahan ng Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB).”
Dapat aniya ay ginawa man lang P2.00 ang dagdag sa pamasahe upang makabawi sila sa kita sa pamamasada.
Photo: PISTON FB