Panukalang P255-B pondo para sa flood control projects inalmahan
Reggie Vizmanos August 21, 2023 at 01:31 PMInalmahan ni Senator Francis Escudero ang panukalang 255 bilyong pisong pondo para sa mga flood control projects sa taong 2024.
Sabi ng senador, “It is too big for tubig!”
Sobrang laki aniya ng naturang pondo na puwede sanang magamit sa mas marami pang programa at proyekto ng pamahalaan tulad ng pagpapatayo ng maraming mga bagong silid-aralan, ospital at mga irigasyon.
Ang inilaan umanong capital outlay o budget para sa mga imprastraktura at pagbili ng mga equipment ay 24.57-B lang sa Department of Health (DOH) at 40.13-B sa Department of Agriculture (DA).
“In fact, flood control is bigger than the entire agriculture budget which has been earmarked P181 billion for 2024,” puna niya.
“Flood control even beat our railway budget by over a P100 billion. Railway budget is only P153 billion and irrigation at P31 billion,” dagdag ng senador.
Mas malaki rin aniya ito kumpara sa inilaang pondo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of National Defense (DND).
Nakapagtataka aniya na sa Medium-Term Philippine Development Plan (MTPDP) na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong Enero ng kasalukuyang taon ay hindi naman gaanong binanggit ang flood control.
Nagbabala siya na hindi dapat gamiting dahilan ang nakaraang matinding pagbaha sa Bulacan at iba pang bahagi ng bansa upang ibuhos ang pambansang pondo sa flood control projects.
Pagtatapos ni Senator Escudero, “Governance is about allocating scarce resources and if the budget and fiscal space is limited then we should allocate properly. This is clearly a misallocation of resources.” (Ang pangangasiwa ng pamahalaan ay nangangailangan ng masusing paglalaan ng limitadong pananalapi. Ito ay isang malinaw na maling alokasyon ng pondo).
Photo: Sen. Chiz Escudero website