Paratang na extortion sa raid sa Century Peak Tower, “absurd and unfounded” — Gen. Hernia
Anna Hernandez November 5, 2024 at 09:17 PMMANILA — Mariing itinanggi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major General Sidney Hernia ang mga alegasyon na extortion laban sa kaniya at sa 14 na pulis.
Kaugnay ito ng pagsalakay kamakailan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa Century Peak Tower sa Ermita, Manila. Target ng operasyon ang umano’y online scammers at illegal POGO operation.
Tinawag ito ng pulisya na aksyon laban sa “mother of all scam hubs.” Isinagawa ang raid ng PNP-ACG sa ilalim ng cyber warrants, gaya ng naging paglilinaw ni PNP Chief, General Rommel Francisco Marbil.
Ayon kay Gen. Hernia, bukas ang kanilang tanggapan sa anumang imbestigasyon.
“I will not tolerate any wrongdoing within our ranks, and I firmly urge the accusers to substantiate their claims in the proper forum. The NCRPO fully welcomes any investigation into this matter, as it will provide a great opportunity to prove the regularity and legality of our actions.”
Samantala, naghain ng reklamo sa National Police Commission (Napolcom) nitong Lunes ang apat na Chinese nationals dahil iligal umano ang raid at hindi sila binasahan ng kanilang karapatan.
Bukod pa rio, hinihingian umano sila ng P1-milyon bawat isa kapalit ng tatayong abogado na konektado umano sa mataas na opisyal ng NCRPO.
📷 NCRPO