Pasaherong naiwan ng kanyang flight dahil sa Immigration Officer, binuweltahan ang BI
Sonny Fernandez March 17, 2023 at 09:22 PM
Imbis na mapakalma, tila lalo pang nairita ang babaeng pasahero sa unang sagot ng Bureau of Immigration matapos mag-viral ang kanyang Tiktok video na nagsabing na-offload siya dahil sa mga walang kwentang tanong ng immigration authorities.
Sa kuwento ni Cham Tanteras, papunta siya sa Israel noong December 21, 2022. Naka-book siya para sa 11:00 am flight ng Gulf Air at dumating siya sa NAIA Terminal 1 ng 3:00 am. Pumila siya sa immigration ng 7:00 am to 8:00 am para hindi siya maabala.
Saad pa ni Tanteras sa video, tinanong ng Immigration officer kung bakit siya pupunta sa Israel. Sagot niya, pupunta siya sa Israel para mag-spend ng Christmas sa lugar kung saan ipinanganak si Hesus. Hindi pa nagkasya at dinala pa siya sa opisina ng Bureau of Immigration sa NAIA Terminal 1. Dahil may pila, naghintay pa siya ng halos isang oras.
“Then the Immigration officer named Abdullah … kept on asking me irrelevant questions that I don’t think is necessary for my travel,” pagpapatuloy niya.
Inusisa siya kung hiwalay na o magkasama pa ang kanyang mga magulang. Nagtaka rin siya nang alamin kung dala niya ang kanyang yearbook.
Kaya sinita na ni Tanteras si Abdullah, “Hey, I graduated college ten years ago so why would I even bring a yearbook in my travel. Who brings a yearbook going to Israel? Who brings a yearbook in a travel?”
Dahil hindi niya dala ang kanyang yearbook, sinabihan siya na magpakita na lang ng graduation picture.
“Sir, I graduated 10 years ago, why would I even bring all those stuff with me?” balik na tanong ni Tanteras.
Mabuti na lang at may wacky graduation photo siya at yun ang naalala niyang ipakita.
Inurirat din siya ng iba pang “irrelevant” na tanong halimbawa kung sino ang nag-book ng flight niya, at hininging ipakita ang eksaktong email, bagaman may printed copy na siya ng flight booking niya.
Kinuha niya ang kanyang phone at si Abdullah ang nag-browse para ma-check kung si Tanteras nga ang nag-book ng flight niya.
Dala naman niya ang kanyang documents gaya ng DTI registration ng freelancing work niya, certificate of employment, bank certificates, certificate of residency at mga lumang passport at visa na hindi naman tinanong ni Abdullah.
Napansin din ng officer ang “PTI of my business, freelance stuff and he was asking what (I’m doing) here in Siargao. So I had to explain in detail in an essay form what boodle means.”
Noong mga sandaling yun, nagtatanong na ang ground crew kung i-o-offboard siya ng immigration officer para hindi na sila magpapabalik-balik pa.
Sagot naman ng officer, “I will not offload her, just wait for me for more questions.”
Sa huli, ini-stamp na ang kanyang passport at pinayagan na siyang umalis pero huli na ang lahat dahil nagsara na ang boarding gate.
“I missed my flight!” dismayado niyang nasabi.
Lumipad ang eroplano kasama ang P19,000 na halaga ng ticket niya kaya kinabukasan nag-book ulit siya ng mas mahal na plane ticket.
Unang lumabas ang balita ng insidente sa GMA 7 noong isang linggo.
Bagaman nag-enjoy naman daw siya sa kanyang Christmas celebration, inilabas niya sa kanyang Tiktok ang insidente at binalikan ang immigration officer.
Sa istorya ng Pep.Ph, sinabi ni Tanteres na “…personally, I feel discriminated. I did all my best as much as I can, na I feel like relevant sa trip. Paano pala kung di ako graduate? So I’m not allowed to travel?”
Nang kunin ng GMA 7 ang reaksyon ng BI sa insidente, dumepensa si BI Commissioner Norman Tansingco at sinabing ginagawa lang nila ang kanilang trabaho na lutasin ang human trafficking at illegal recruitment.
“The BI seeks consideration and understanding as the agency is constrained to implement strict measures to assess departing passengers,” sabi ni Tansingco.
Agad na nilang inalam ang pangyayari at humingi ng full incident report sa immigration officer. Pinayagan ding bumiyahe si Tanteres matapos mag-fill up ng Border Control Quarantine at sumailalim sa secondary inspection.
Pinayuhan naman ng commissioner ang kanilang mga tauhan, “to conduct their inspections professionally, and in an efficient manner, to prevent future incidents from occurring.”
Pero imbis na mapakalma, lalo pang nadismaya si Tanteres at binalikan ang ahensiya sa isa pang Tiktok video noong March 12.
“I’m pissed that they are so defensive on their statement. There were no apologies on their part, no accountability still.”
“Ano, ano’ng next action plan nito, thank you, magti-thank you na lang ako, ganon?”
“They were asking for what again, consideration, pang-unawa?”
“I will pay P19,000 for that consideration? Ako pa magbabayad ng missed flight ko because I had to consider them?”
Buwelta pa ni Tanteres, “Bureau of Immigration, stop relating your incompetency to the current issues like human trafficking.
“You were just being defensive. You are not solving the problem, you are the problem!”
Nilinaw din ni Tanteres na, “.. this is just one instance, but I don’t want to invalidate that specific instance.”
Alam niyang pwedeng mangyari ito at nangyari na sa maraming Pilipino. Hindi siya “manhid sa mga problemang kinakaharap ng immigration tulad ng human trafficking.”
Aware din siya na standard procedure ng immigration ang magtanong para protektahan ang tulad niya.
“But to what extent? Me, missing my flight?”
Tanong pa niya sa BI, “Are you even aware that I missed my flight because of too much questioning? That I was delayed? “Who is accountable for that?”
Sa kanilang statement noong March 16, humingi na rin ng paumanhin ang Bureau of Immigration sa pangyayari.
“We apologize for the inconvenience this may have caused the Filipino passenger and other Filipino passengers.
Ayon pa sa BI, noong 2022, umabot sa 32,404 Pinoys ang na-delay ang flight – nadiskubre nilang 472 ang biktima ng human trafficking o illegal recruitment, 873 ang nameke ng dokumento at 10 minors ang nagtangkang magtrabaho sa abroad.
Pagtatanggol pa ng BI, may mga professional “with good travel records, gainfully employed and are graduates of good schools” na nabiktima ng cryptocurrency scam syndicates na nangako ng $1,000 buwang sahod at dadalhin sila sa Myanmar at ibang Asian countries.
Video: Cham Tanteras Tiktok