Pilipinas, pangatlo sa may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa Western Pacific
Andres Bonifacio Jr. August 26, 2021 at 07:18 AMIdineklara ng World Health Organization o WHO nitong August 25, 2021 na nasa ikatlong puwesto na ang Pilipinas sa bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa Western Pacific na binubuo ng 28 bansa.
Ayon pa sa huling datos na inilabas ng WHO, kasama ng Pilipinas ang Malaysia, Japan at Vietnam sa mga bansang nakapagtala ng pinakamataas na bagong kaso ng mga nagka-COVID-19.
Dahil dito, nagpaalala si WHO-Western Pacific Region director Dr. Takeshi Kasai na dapat tutukan ng Pilipinas ang mga programa nito kontra COVID-19.
Binigyang diin ng direktor na kritikal na maituturing ang kalagayan ng bansa dahil hindi lamang sa Metro Manila nakikita ang pagsipa ng bilang ng mga nagkaka-virus kundi maging sa iba’t ibang probinsya. Makikita rin daw na nasa critical level na rin ang occupancy rate sa maraming ospital sa bansa at sinabing‘really exhausted’ na ang ating mga health workers.
Ayon pa kay Dr. Kasai, ang Delta variant ang pinakamabilis na maipasa sa mga variant ng SARS-CoV-2, ang isa sa mga pangunahin dahilan kung bakit sumipa ang bilang ng mga kaso ng mga nagka-virus sa Western Pacific.
“The Delta variant is now a real threat, which is testing the capacity of even the strongest public health system in our region,” dagdag pa ng direktor.
Pinapurihan naman ng WHO ang vaccination program ng bansa. Ayon sa ahensiya, nasa 95% na ang mga nababakunahang mga health worker at 46% naman ang mga nabakunahang senior citizen.
Matatandaan na iniulat ni Metropolitan Manila Develpoment Authority Chair Benhur Abalos sa isang televised public briefing na nasa 7.44 milyon na ang mga nakatanggap na ng first dose ng bakuna sa Metro Manila. Halos nasa 76% ito ng 9.8 milyon ng kabuuang bilang mga kailangang bakunahan sa nasabing lugar. Nasa 4.2 milyon naman ang bilang ng mga fully vaccinated.
Photo courtesy of World Health Organization