Pulis pinaalalahanan ng PLEB; DOH nagbigay ng medical equipment; Pagsasanay sa pangangalaga sa PWD
Mon Lazaro November 18, 2023 at 05:42 PM
Ipinaalala at binigyang-diin ng Caloocan People’s Law Enforcement Board (PLEB) sa mga pulis ng lungsod ang kanilang responsibilidad na isulong ang maayos at produktibong pakikipag-ugnayan sa publiko.
Isinagawa ito sa values formation symposium na inorganisa ng PLEB katuwang ang Caloocan City Police Station (CCPS) at ang National Police Commission (NAPOLCOM) kung saan ay umaabot sa 250 pulis ang lumahok.

Pangunahing tinalakay sa aktibidad ang “PNP Oplan Tagataguyod” na nagpapaalala sa pulisya na bukod sa tungkulin nilang labanan ang kriminalidad ay responsibilidad din nila ang pagbuo ng maganda at epektibong relasyon sa mga komunidad na bahagi ng Police Community Affairs and Development program ng pambansang pulisya.
Pinag-usapan din ang tungkol sa PNP Professional Code of Conduct and Ethical Standards na nagtuturo ng angkop na ugali at gawi na dapat taglayin ng bawat pulis sa pagganap nila ng tungkulin.

Samanatala, iba-ibang modernong kagamitang pang-ospital para sa Caloocan City Medical Center (CCMC) ang ibinigay ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Health Facility Enhancement Program (HFEP) ng kagawaran.
Kabilang sa mga donasyon ng DOH ay 50 hospital beds, tatlong portable operating room lights, tatlong vein scanners, at isang cautery machine.
Ang mga donasyon ay opisyal na tinanggap ni CCMC Administrator Dr. Fernando Santos na nagsabing ang mga bagong dagdag na kagamitan ng ospital ay makakatulong nang malaki sa kanilang pagbibigay ng serbisyong medikal at pangkalusugan sa publiko.
Sa iba pang balita, sumailalim sa Disability Sensitivity training at Sign Language training ang mga Barangay PWD Focal Persons at mga frontline personnel ng city hall.
Ito ay upang maging mas epektibo, maayos at inclusive para sa mga may kapansanan o persons with disability (PWD) ang serbisyo ng mga kawani ng pamahalaan.
Ang dalawang araw na pagsasanay ay inilunsad ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) kung saan ay tinalakay ang tamang pamamaraan sa pag-aasikaso sa mga may problema sa pandinig at pagsasalita, pati ang mga may iba-ibang uri ng kapansanan tulad ng visual, mental, intellectual, learning, speech, psychosocial at physical disability gayundin ang mga nahihirapang kumilos dahil sa sakit.
Ayon kay PDAO Officer-in-Charge Michael Ramos, “Nagpapasalamat po tayo sa pagkakataon na matuto, kahit mga simpleng pamamaraan para makipag-usap sa ating mga kababayang bahagi ng deaf/hard of hearing community. Kaakibat din nito ang tamang pakikibahagi, pakikipag-usap at pakikisalamuha sa mga taong may kapansanan upang mismong sa ating mga frontliners magmula ang pagmamalasakit sa kanilang mga hinaing o pangangailangan.”

Kabilang sa mga naging speakers at trainors sa aktibidad ang mga kinikilalang PWD inclusivity and accessibility advocates na sina Ginoong Remberto Esposa, Ervin Reyes at Elizar Bic Pingos, gayundin si Bb. Alexandra Dominguez.
Photo: Caloocan City PIO FB, Along Malapitan FB