Pura Luka Vega idineklarang persona non grata sa Maynila. Reaksyon niya, “Tell me exactly what I did wrong”
Mike Manalaysay August 10, 2023 at 08:57 PMIdineklarang persona non grata ng Manila City Council si Pura Luka Vega sa kanilang session ngayong araw ng Huwebes, August 10. Mariin nilang kinondena ang ginawang pagganap kay Hesukristo ng drag artist.
Inaprubahan ng 26 na konsehal ang resolusyon na inihain ni District 5 Councilor Ricardo Isip Jr. na nagdedeklarang persona non grata o hindi welcome si Pura Luka, na ang tunay na pangalan ay Amadeus Fernando Pagente, sa Lungsod ng Maynila. Resulta ito ng kanyang kontrobersyal na pagganap sa Black Nazarene kamakailan. Itinuturing na simbolo ng lungsod ang Itim na Nazareno na matatagpuan sa simbahan ng Quiapo.
Naging viral ang video ni Vega na nakasuot ng Black Nazarene inspired costume habang nagsasayaw sa pop rock remix ng kantang Ama Namin (Our Father) sa isang bar noong July 10. Binatikos ng mga religious leaders, public officials, at mga netizen ang ginawa ni Vega dahil itinuturing itong offensive at blasphemous o paglapastangan sa Diyos.
Nagbigay naman ng kanyang reaksyon si Vega sa deklarasyon ng Maynila. Sa isang post sa Twitter, sinabi ni Vega na, “Tell me exactly what I did wrong. I’m open for a dialogue, and yet cities have been declaring persona non grata without even knowing me or understanding the intent of the performance. Drag is art. You judge me, yet you don’t even know me.”
Nauna na siyang idineklarang persona non grata sa lalawigan ng Bukidnon, General Santos City, Floridablanca sa Pampanga at Toboso sa Negros Occidental. Ang persona non grata ay salitang Latin na ang ibig sabihin ay “person not welcome.”
Sinampahan din si Pura Luka Vega ng Philippines for Jesus Movement ng mga kasong paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code (RPC) at Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act sa Quezon City. Ang Article 201 ng RPC ay nagpaparusa sa “immoral doctrines, obscene publications, and exhibitions and indecent shows.”
Photo: Pura Luka Vega Twitter and Tiktok