‘School supplies dapat bantayan kung may nakalalasong kemikal’
Reggie Vizmanos August 14, 2023 at 03:30 PMKaugnay ng nalalapit na pagbubukas muli ng school season ay inalerto ng grupong BAN Toxics ang mga magulang, estudyante at ang gobyerno na bantayang mabuti ang mga school supplies kung nagtataglay ba ang mga ito ng nakalalasong kemikal.
Ayon sa BAN Toxics, na isang environment non-government organization (NGO), nagsagawa sila kamakailan ng market surveillance sa mga pampublikong tindahan sa Divisoria sa Maynila at natuklasan nila na may mga ibinebenta roon na ilang school supplies na mayroong ‘toxic lead’ na lubhang nakasasama sa kalusugan.
Sinabi ni BAN Toxics Campaigner Thony Dizon na ayon sa World Health Organization (WHO), ang lead ay nagdudulot ng malaking peligro sa kalusugan partikular sa ‘neurological, cardiovascular, gastrointestinal, and haematological systems.’
Ang mga kabataang estudyante umano ay mas vulnerable o madaling tablan ng ganitong mga negatibong epekto ng lead sa utak, puso, bituka at dugo.
Bukod dito aniya, ang lead ay nagreresulta rin sa paghina ng brain development na nagiging sanhi naman ng mababang IQ; mababang attention span o pagtutok sa atensyon sa mga importanteng bagay; mga gawi o kilos na hindi akma sa komunidad; kahinaan sa pag-aaral; anemia; hypertension; sakit sa bato; paghina ng immune system laban sa mga sakit; at problema sa reproductive organs.
Ilan umano sa mga sinuri ng grupo ay mga kiddie backpack, crayons, pastel colors, lapis, pencil case, at baunan ng inuming tubig.
Sa pamamagitan ng paggamit nila ng SCIAPS X-200 HH XRF Analyzer ay natuklasan nilang ang mga kiddie water container o baunan ng inuming tubig ang mayroong pinakamataas na konsentrasyon ng lead, na may sukat na 24,500 parts per million (ppm).
Karamihan din umano sa mga sinuri nilang produkto ay kulang o sadyang walang product information na dapat nagsasaad ng mga sangkap na ginamit sa paggawa ng produkto.
Alinsunod umano sa Chemical Control Order (CCO) for Lead and Lead Compounds o DAO 2013-24 na inisyu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng lead bilang sangkap sa paggawa ng mga school supplies.
Photo: BAN Toxics website