Sen. Joel Villanueva, itinanggi ang alegasyon laban sa kanya
Paulo Gaborni September 23, 2025 at 09:52 PM
MANILA — Itinanggi ni Senador Joel Villanueva ngayong Martes, Setyembre 23, ang alegasyon ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara na tumanggap umano siya ng malaking halaga mula sa infrastructure project ng ahensya.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inihayag ni Alcantara na nagbigay siya ng P150 milyon kay Villanueva mula sa P600-milyong proyekto para sa multi-purpose building sa Bulacan.
“Ano po ba ito? Masabi lang po ‘yung pangalan natin at idadawit po tayo sa flood control issue kahit ang mismong testigo na ang nagsabi na wala po akong alam. Mema lang? May masabi?” paliwanag ni Villanueva.
Binigyang-diin ng senador na bukas siya sa anumang imbestigasyon. Ayon sa kanya, dumalo siya sa pagpupulong ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ngayong araw upang ipakita ang kanyang kahandaang tumugon sa mga paratang.
“I am ready Mr. President, and my office is ready to be investigated that the truth may come out,” dagdag pa niya.
Ayon kay Alcantara, ibinigay niya umano ang P150 milyon sa isang nagngangalang “Peng,” na sinasabing aide ni Villanueva. Nilinaw rin niya na hindi humiling ng flood control project ang senador at hindi niya alam na ang pondo ay mula sa alokasyon para sa flood control projects.
Samantala, sinabi ni Justice Secretary Boying Remulla sa parehong pagdinig na inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng mga kaso ng indirect bribery at malversation of public funds laban kina Alcantara, dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, Senador Jinggoy Estrada, Senador Joel Villanueva, Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at dating Caloocan 2nd District Rep. Mitch Cajayon-Uy.
đˇ Senate of the Philippines