Senator Imee nanawagan sa Mababang Kapulungan na iatras na ang P.I.
Mon Lazaro February 9, 2024 at 04:59 AMPhoto: Mon Lazaro
LUNGSOD NG BALIWAG, Bulacan — Nananawagan si Sen. Imee Marcos sa Mababang Kapulungan na itigil na ang pagsusulong ng People’s Initiative at gawin ito sa tamang pamamaraan.
Ang pahayag na ito ng presidential sister ay ginawa matapos na pangunahan ang pamimigay ng tig- P3,000 ayuda sa may 2,000 benipisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation ng DSWD sa Baliwag na kinabibilangan ng mga nadisplace na mga market vendors dahil sa ginagawang palengke ng lungsod nitong nakaraang araw ng Miyerkules.
Ayon kay Sen. Marcos, ang Senado ay nagkakaisa sa kanilang paninindigan kahit araw-araw silang binabatikos ng kabilang panig dahil sa isyu ng People’s Initiative.
Dagdag pa niya, hindi siya nakikipag-away at nagbibigay lang siya ng payo dahil pinsan niya si House Speaker Martin Romualdez.
Binanggit pa niya na ayon sa mga dalubhasang abogado ay maraming patakaran ang dapat sundin. Nakakainsulto rin aniya ang ginagawa na hindi maintindihan ng mga tao ang pinapapirmahan sa kanila at nakatakip pa umano ang ilang probisyon. Ang pagkakaalam daw ng mga tao, kapag pumirma sila ay nasa listahan na sila ng ayuda.
Binigyang diin din ng senador na sa panahon na ito, ang hanapbuhay at ang cost of living ang pinakaimportante at mauubos lamang ang kanilang oras sa ganitong uri ng bangayan.