Si R sa loob ng rehas ng isipan
Cristine Cabanizas May 7, 2021 at 07:14 AM“Awang awa ako kasi gaano karami sa atin ang nawawala sa katinuan dahil lang wala na tayong nakausap na kapatid, kaibigan, kapitbahay? Dahil lang hindi na tayo makapag-isip. Awang awa ako kasi naapula ang apoy pero sinunog niya na ang buhay niya. Ang kinabukasan niya. Dahil sa isang saglit, inisip niyang mag-isa siya. At gusto niya na lang mamatay.”
Ito ang maramdaming pahayag ni Ara Zaldivia sa kanyang Facebook post.
Ayon kay Ara, gabi ng May 3 nang nasaksihan niya ang pangyayaring nagpaalala sa kanya kung gaano kahalaga ang pakikinig at pagmamalasakit sa kapwa.
Naghahanda na raw silang mag-asawa sa pagtulog nang makarinig sila ng mga sigawan. Ang akala raw nila noong una ay may mag-asawang nag-aaway. Pero nang sumilip daw sila sa bintana nakita nila ang maraming tao sa kalsada.
“Papa, may magsusuicide yata. Baka bumabaybay sa roofdeck,” sinabi ni Ara sa kanyang asawang si Ryan.
Mabilis daw ang mga pangyayari. Ilang segundo lang daw ay may nakita na silang apoy sa kanilang tinitirhang gusali. Agad daw na nagtulong-tulong ang mga residente para maapula ang sunog.
“Ambilis ng pangyayari. Bumaba si Kuya, nagtulong sila ni Ryan. Binuhat ang drum para ipambuhos habang ginigiba ng ibang tenant ang pinto ng unit. Gasulito. May mga gamit na nakapatong, sinusunog. Ang salarin, nakatago sa banyo. Naapula ang apoy,” kuwento ni Ara.
Galit ang taumbayan sa ginawa ni R, ang lalaking nagsimula diumano ng sunog. Minabuti ni Ara na itago ang kanyang tunay na pagkakakilanlan.
“Mabait silang kapit-bahay. Magagalang. Matulungin. Naawa ako. Sa pandemyang ito, awa ang nadama ko. Wala pa yatang trenta anyos si R. Bago lang sila dito. Wala pang tatlong buwan. Laging nagyaya sa amin na mangapitbahay. Dahil sa pandemya, hindi namin napagbibigyan,” ayon pa kay Ara.
Nagkulong daw sa banyo si R at ayaw lumabas. Hindi raw siya natakot kahit sinisigawan na siya ng otoridad. Kaya nagbakasakali na raw si Ryan na mamagitan.
“Kinausap siya ni Ryan na parang kapatid. Kaibigan. Inabutan ng damit. Inabutan ng inumin habang nakakulong sa banyo si R.”
Wala na raw sa katinuan si R. Sinabi raw nito na kahit pa barilin siya’y handa na siyang mamatay.
Ayon kay Ara, tanging kay Ryan lamang nagtiwala si R. Matapos makausap ay pinosasan daw ni R ang kanyang sarili at kusang nagpunta sa istasyon ng pulis.
Ang kwento ni R ay salamin ng katotohanan sa kasalukuyang panahon. Araw-araw itong hinaharap at pilit nilalabanan ng napakaraming Pilipino na nakararanas ng sakit sa pag-iisip. Ito raw ang dahilan ni Ara sa pagbabahagi ng kwento ni R.
“When I wrote it, it was first to release the trauma. It was privately posted to update my family and friends on what transpired… It was when a friend, who was once in a very dark place, asked me to allow her to share the post that I made it public. Ang iniisip ko, gusto niyang mabasa ng iba ang isang bagay na hindi niya naman naiku-kwento sa iba, pero malapit sa puso at buhay niya. I advocate for mental health awareness as I myself struggle with it,” ayon kay Ara.
Sa panayam ng Arkipelago News kay Ara, sinabi niya na ang pinaka-ugat ng problema ang nais niyang ipaunawa sa ibang tao.
“Ayokong maging bagay na pagpipyestahan ang buhay ng iba. I don’t want anybody to be exposed to bullying or judgment. But what kept me from making the post private again were the comments and notes of people sharing the post. Yung nagkaroon sila ng platform para magkwento ng buhay nila at mga pinagdaanan nila sa panahon ng pandemya,” ani Ara.
Gusto ring ipaliwanag ni Ara ang kahalagahan ng pakikinig, simpleng pangungumusta o pag-abot ng tubig.
“We need to speak. We need to express our thoughts kahit nakakatakot. Kahit mahirap. Kung hindi mo kaya magsabi sa kaibigan o pamilya, seek professional help or find support groups. Maraming handang makinig. Sa iba naman sa atin who are not going through these struggles, be sensitive. Makinig sa sinasabi at sa mga hindi sinasabi,” paliwanag ni Ara
Hindi na raw alam ni Ara kung ano ang sumunod na nangyari matapos magpunta sa pulis si R. Pero sana raw ay makarating ang mga ganitong kuwento sa mga eksperto sa pag-iisip para mabigyan sila ng pansin, at matulungan sila.
Pangalawa raw ay upang magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga otoridad kung paano nila hahawakan ang mga ganitong kaso.
Para sa mga taong nangangailangan ng tulong maaari kayong tumawag sa National Center for Mental Health:
1553- Luzon-wide landline toll free
09663514518- Globe/TM
09178998727- Globe/Tm
09086392672- Smart/Sun/TNT
Photo courtesy of Ara Zaldivia