Sugar importation, ipinag-utos ng Pangulo
Kate Papina January 20, 2023 at 02:47 PM
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA) na mag-angkat ng asukal na magagamit sa dalawang buwan para mapanatili ang mababang presyo at hindi kapusin ang supply nito.
“Again [for] sugar, to cut down speculation, we are guaranteeing a buffer stock of two months. So hindi magkaka-shortage, hindi dapat tataas ang presyo,” aniya.
Paliwanag pa ng Pangulo, aayusin din ang schedule ng pag-aangkat ng asukal para hindi ito makaapekto sa lokal na industriya.
“We are beginning to rationalize this buying schedule, the importation schedule, so that we will match the crop here of the local producers of sugar. Para hindi naman tayo nagpapasok habang mababa ang presyo ng asukal, so para mag-normalize naman ‘yung presyo,” ani Pangulong Marcos.
Nangyari ang pag-uusap sa sectoral meeting sa Malacañang noong Martes, January 24.
Kinumpirma ng mga opisyal ng DA na malaki ang itinaas ng retail price ng asukal simula October 2022 hanggang January 2023 kumpara noong nakaraang taon.
Kasama rin sa kanilang iniulat na noong January 8, ang produksyon ng raw sugar ay nasa 877,028 metric tons (MT), mas mataas ng 22.41 percent kumpara noong nakaraang taon na 716,485 MT. Ang stock balance naman ng raw sugar ay nasa 362,263 MT, mas mababa ng 0.92 percent noong nakaraang taon na may 365,633 MT.
Umabot naman sa 316,829.15 MT ang produksyon ng refined sugar. Mas mataas ng 34 percent noong nakaraang taon na nasa 235,838.45 MT. Ang stock balance naman nito ay 132,384.55 MT, mas mataas ng 8.68 percent kumpara noong nakaraang taon na nasa 121,813.25 MT.
Dahil sa mga kaganapan, hiniling ng Carbonated Soft Drinks (CSD) Industry na ipatupad na ang pagkakaroon ng schedule sa importasyon ng asukal dahil anila, tatagal lamang ang stock ng kalahating taon.
Ipinahayag din ng CSD na kung kakapusin ang supply ng refined sugar, mababawasan din ang produksyon at maraming kumpanya ang posibleng magsara na makakaapekto rin sa pamumuhay ng mga mangagawa.
Dahil dito, inirekomenda ng DA at Sugar Regulatory Administration na mag-angkat ng 450,000 MT ng asukal, alinsunod sa utos ng Pangulo.
Ayon pa sa DA, mas mabuti raw kung ipagbibili ang 80,000 packs ng asukal sa KADIWA stores sa halagang P70 per kilo. Pinag-aaralan pa ng ibang ahensya ng gobyerno ang panukala.