Suspek sa pagpatay kay Bulacan Board Member Capistrano, naaresto; Mastermind patuloy na pinaghahanap
Mike Manalaysay October 23, 2025 at 03:42 PM
Lungsod ng Malolos — Naaresto ng mga operatiba ng Bulacan Police sa lungsod ng Navotas ang isa sa apat na suspek sa pagpatay kay Ramil Capistrano, board member ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan at pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC) sa lalawigan, at ng kanyang driver na si Shedrick Toribio.

Sa isang press briefing nitong Miyerkules, Oktubre 22, kinumpirma ni Bulacan Police Provincial Director Col. Angel Garcillano na ang naarestong suspek ay sangkot umano sa gun-for-hire at mga kasong pagnanakaw. Hindi pa ibinunyag ang kanyang pagkakakilanlan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Matatandaang pinaslang sina Capistrano at Toribio sa loob ng kanilang sasakyan noong Oktubre 3, 2024, sa Lungsod ng Malolos. Ayon kay Garcillano, isa sa mga itinuturong utak ng krimen ay isang dating pulis na nakatakas mula sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame noong nakaraang taon. Patuloy pa ring pinaghahanap ang naturang dating pulis at dalawa pang kasabwat.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa likod ng pamamaslang, habang pinaigting na rin ang pagtugis sa mga natitirang suspek.
š· Bulacan Police Provincial Office